Chefval

Hollywood chef, nagsalita sa isyu kina Piolo, KC at APL

July 20, 2021 Ian F. Fariñas 290 views

NAKAHARAP kahapon via Zoom ng ilang entertainment writers ang first Pinay executive chef ng Yamashiro Hollywood restaurant, ang lugar kung saan sinasabing muntik nang magkita-kita sina Piolo Pascual, KC Concepcion at ang rumored BF nitong si Apl.de.ap.

Siyempre, hiningan ng press ng komento tungkol dito si Chef Vallerie Castillo Archer.

Aniya, sa lawak ng Yamashiro at sa dami ng function rooms doon, posibleng hindi nag-iwasan kundi hindi lang talaga nagkita-kita ang tatlong celebrities.

Naging isyu ang pagkakasabay ng pagpunta nina Piolo, KC at Apl sa Yamashiro dahil nga dating magdyowa sina Piolo at KC habang kay Apl naman ang nali-link ang dalaga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion ngayon.

Anyway, pahayag pa ni Chef Vallerie, hindi lamang sina Piolo, KC at Apl ang celebrities na bumibisita sa Yamashiro.

Kwento niya, nu’ng Sabado lamang ay nag-date doon ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na kasalukuyang nasa Amerika para sa nalalapit na boxing bout ng Pambansang Kamao.

Gaya nina Piolo, kumuha rin daw ng isang private room ang mag-asawang Pacquiao na steak ang napiling orderin.

Nagiging hangout nga raw ng mga sikat na personalidad ang naturang iconic Hollywood resto kung saan bukod sa masasarap na pagkaing inihahain ni Chef Vallerie ay pinahahalagahan din ang kanilang privacy.

Ang ilan pang prominenteng pangalan at celebs na naging bisita ng Yamashiro ay ang international singer na si Bruno Mars at local artists na sina Pops Fernandez, Raymond Gutierrez, Martin Nievera, atbp.

As for Chef Vallerie, matagal-tagal na siyang executive chef doon at grateful daw siya na kahit ngayong panahon ng pandemya, eh, busy pa rin ang kusina nila.

Tubong-San Nicolas, Ilocos Norte ang pamilya nila. Nagsilbi sa US Air Force ang ama niya kaya naman bata pa siya ay pabalik-balik sila ng Tate at Clark Air Base.

Bata pa lang ay passion na ni Chef Vallerie ang pagluluto na natutunan niya sa bakery ng kanyang lolong Ilokano.

Sa ngayon, proud siya na maging sa Amerika ay naipapakilala niya ang mga pagkaing Pinoy tulad ng pancit, sisig, adobo, lumpia, dinuguan at kung anu-ano pa.

AUTHOR PROFILE