HNP isinara pinto sa Duterte-Duterte tandem sa 2022

August 4, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 193 views

IBINASURA nitong Miyerkules ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ang posibilidad na mabuo ang tiket na Duterte-Duterte sa 2022 presidential polls kahit nangunguna ang nasabing tambalan sa iba’t-ibang elections survey.

Sinabi ni HNP secretary general at spokesman Anthony del Rosario na hindi interesado si Mayor Sara Duterte sa posibilidad na makatambal si Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte bilang kanyang bise-presidente sakaling tumakbo ito bilang Pangulo ng bansa.

Sa panayam ng dzRH, sinabi ni del Rosario, dating Davao del Norte governor, na hindi gusto ng kanilang grupo ang Duterte-Duterte tandem na nanguna sa OCTA’s Tugon ng Masa 2022 survey.

Nanguna sina Davao City Mayor Duterte at kanyang ama sa listahan ng mga Pilipino na kanilang iboboto sa pagka-presidente at bise-presidente sa 2022.

Sa kabuuang 1,200 respondents na tinanong mula Hulyo 12 hanggang 18, nakakuha si Davao City Mayor Duterte ng 28 porsiyento sa presidential race habang 18 poryento naman si Pangulong Duterte sa vice presidential post.

Halos magkatulad ang resulta ng OCTA sa resulta ng Pulse Asia survey nitong kalagitnaan ng Hulyo kung saan 23 porsiyento ang nagsabing boboto sa Duterte-Duterte tandem.

“In previous interviews, nabanggit na ni Mayor Sara that she’s not interested and she does not see a Duterte-Duterte tandem,” ani del Rosario.

“Of course HNP will support President Duterte as vice president and President Duterte’s choice for presidential candidate, but not in our party,” dagdag ni del Rosario.

Sa resulta ng OCTA survey sa panguluhan, nakakuha si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng 13% na sinundan ng 11% ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at tig-10% naman sina Sens. Grace Poe and Senator Manny Pacquiao.

Tabla naman sina Vice President Leni Robredo at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa nakuhang tig-5%.

AUTHOR PROFILE