Default Thumbnail

Hindi basta mapapaikutan si BOC Chief Bien Rubio

May 17, 2023 Vic Reyes 268 views

Vic ReyesHINDI tayo magtataka kung mapilitan ang mga ismagler na magparating sa bansa ng mga kontrabando sa pamamagitan ng tinatawag na “outright smuggling.”

Mas magastos ang “outright smuggling” kaysa “technical smuggling,” na paborito ng maraming ismagler.

Ang problema lang ngayon ay mahirap na talagang lumusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa iba’t-ibang ports of entry sa buong Pilipinas.

Alam na ng mga taga-BOC ang ibat-ibang paraan ng mga ismagler upang hindi sila magbayad ng tamang buwis sa kanilang mga importasyon.

Maliban dito ay nandiyan pa ang mga state-of-the-art na x-ray machines at K9 sniffing dogs na sanay na umamoy ng mga ipinagbabawal na produkto.

At siyempre, sa tingin ng maraming waterfront stakeholders ay maraming beses nang mag-iisip ang mangilan-ngilang naliligaw ng landas na lingkod-bayan kung makikisawsaw pa sila sa technical smuggling.

Alam nila na hindi basta mapapaikutan si Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio dahil isa itong batikang intelligence officer na “straight at dedicated.”

Ito ang maganda kung ang nakaupong hepe ng BOC ay isang insider at magaling pang intelligence officer.

***

Umani ng maraming suporta ang isang panukalang batas o bill na inihain ni Cotabato Rep. Alana Samantha Talino Santos sa House of Representatives.

Ang panukalang batas, House Bill No. 7884, ay naglalayong ipagbawal sa mga ahensya ng gobyerno na magtakda ng “dress code” sa mga taong gustong makakuha ng serbisyo mula sa kanila.

Sa kanyang panukala, sinabi ni Rep. Santos na dapat bukas ang mga opisina ng gobyerno sa lahat ng mga kababayan nating may kailangan sa mga tanggapang ito.

Tama naman si Santos. Paano na lang ang mga walang-wala na kababayan natin, kagaya ng namumulot ng basura, na gustong magpatulong sa gobyerno?

Eh kung panahon naman ng eleksyon ay pati nga gula-gulanit ang damit ay kinakamayan pa ng mga kandidato, lokal man o nasyonal, para lang makakuha ng boto.

Sa atin lang, hindi na dapat pag-debatihan pa sa Kongreso ang HB No. 7884 o ang “Open Door Policy Act.”

Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi dapat pagbawalan ng isang Filipino na dumalaw sa isang opisina ng gobyerno basta malinis lang ang kanyang damit.

Ang mga hindi dapat papasukin sa mga tanggapan ng gobyerno ay ang taong ang suot ay nakakaiskandalo.

Sa ilalim ng HB No. 7884 ay mahaharap ng administrative o disciplinary sanctions ang mga lingkod-bayan na lalabag dito.

***

All-out ang gobyerno para palakasin ang tourist industy sa bansa.

Ito ay kitang-kita sa plano ng gobyerno na lagyan nito ng libreng wifi ang 94 major tourist destinations sa buong bansa na may connectivity problems.

Ang balaking ito ay bahagi ng plano ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na gawing tourism hub ang bansa.

Kabilang sa priority areas ang Baguio City, Palawan (Luzon), Boracay Island at Cebu sa Visayas.

Sinabi ni DICT Secretary Ivan John Uy na ang unang bahagi ng plano ay lagyan ng libreng wifi ang 46 destinations.

Sa panahon ngayon, napakahalagang maka-contact kaagad ang mga turista, dayuhan man o lokal, sa kani-kanilang mga kamag-anak, kaibigan at iba pang tao.

Siyempre ayaw ng mga turistang puntahan ang mga lugar na hindi reliable ang internet connections, lalo na ng mga negosyante na napakahalaga ang komunikasyon.

Oo nga naman!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE