Default Thumbnail

Kailangan bang mag-tip?

May 17, 2023 Allan L. Encarnacion 275 views

Allan EncarnacionMADALAS niloloko ako ng mga kaibigan ko sa tuwing mag-iiwan ako ng tip sa restaurant, lalo na sa abroad.

Tinatangkang kupitin ng mga kasama ko sa table or kaya naman ay magbibirong papalitan ng ibang denomination ang iniwanan kong tip.

Kapag nasa buffet breakfast kami or dinner or lunch, nag-iiwan din ako ng tip. Kinukuwestiyon ako minsan ng aking misis bakit daw ako nag-iiwan ng tip baka raw kunin ng isang waiter sa halip na centralized.

Ang palagi kong sinasabi sa kanya, hindi naman ako nag-iiwan ng tip para pag-awayan nila, nag-iiwanan ako as appreciation sa serbisyo ng kung sino man sa kanila ang nakatoka sa ating table.

Kahit sa mga buffet na self-service ang lahat mula sa tubig, pagkain hanggang kape or tea, nag-iwanan pa rin ako ng tip. Wala naman daw nagsilbi sa amin bakit kailangan kong mag-iwan ng tip? Iyong preparasyon ng mga nasa buffet? Iyong mga magliligpit ng pinagkainan natin?

Hindi ba’t serbisyo rin nila iyon?

Madalas, may mga lugar na libre ang tubig, kape or juice lalo na sa Las Vegas or sa mga hotel casino resorts area, magbibigay sila sa mga guests, may kapalit agad iyon na P50 or P100 or US$3 dollars. Bakit mas mahal pa raw ang tip kaysa sa ibinigay nila. Ang sagot ko palagi, wala namang halaga ang serbisyo na binigyan mo ng pagkilala sa pamamagitan ng tip.

Sa mga gasolinahan, karaniwan na ang P50 or P100 na tip sa nagkarga sa aking sasakyan. Iyong ibang mga service crew, nagugulat kapag sinabi kong pagkape lang niya iyon, sabay ngiti at magpapasalamat.

Iyong mga coffee shop na madalas kong puntahan, P50 hanggang P100 pa ang tip, mas mahal pa sa pay parking. Hindi naman iyong parking slot ang binayaran ko, nag-appraciate lang ako ng guard na maghapong nagtatrabaho.

Ang palagi kong naisiip, isang kanin at isang ulam lang na mairaos ng karaniwang empleyado sa pamamagitan ng tip ng mga service sector ay malaking bagay na sa kanila iyon.

Kung minsan, kapag kinukuwenta ko ang tip ko sa isang araw, umaabot pala ako sa average na P250 hanggang P350 maghapon. Parang malaking pera sa biglang tingin pero lima hanggang pitong tao ang nakinabang sa tip na iyon.

Iba pa ang kuwentahan ng tip kapag nasa abroad dahil iba ang currency bagama’t barya-barya lang din naman.

Bakit ko ba ito natalakay? Napapansin ko lang kasi madalas sa ibang kinakainan ko ay hindi nagti-tip ang ibang customers, lalo na kapag mayroon nang service charge. Para sa inyong kaalaman, may ibang restaurant pala na ang bulto ng service charge ay napupunta sa may-ari.

Tip lang ang napaghahatian ng mga service crew dahil nga sa kapitalista napupunta ang service charge. Kung mayroon man ang service crew, porsiyento lang sila doon.

Mayroon din palang mga customers na ang halaga ng kinain nila ay halos P7,000 pero nag-tip lang ng P20. Totoong hindi naman tayo Amerika na obligado kang magbigay ng 10% na tip sa halaga ng iyong kinain pero parang hindi ring tama na beinte pesos ang tip sa dami ng iyong inorder!

Wala naman talagang puwedeng magkuwestiyon sa atin kung magbigay tayo ng tip or hindi pero ang nakakalimutan natin ay ang pakikipagkapwa tao.

Kung tutuusin, wala namang bagay sa atin ang tip na P50 or P200 kung kaya nating kumain ng P7,000 na halaga ng crispy pata, kare-kare, sugpo, alimango at panghimagas na buko pandan. Parang ang sakit lang sa mata na makitang nagkakabundat ka sa kabusugan tapos kung makautos ka pa sa mga waiter ay parang kung sino, sabay beinte pesos ang tip!!! Grrrr!!!

Konsiderasyon ang tawag doon baka lang hindi alam ng kumain ng P7,000.

Kung kaya nyo rin lang, gawin nyong bahagi ng inyong sistema ang pagbibigay ng tip dahil maliit na bagay sa atin ang P50 pero isang pananghalian or pamasahe pauwi na na yan sa pangkaraniwang nating kababayan.

Iba pa rin ang pakiramdam kapag paglabas mo ng inyong bahay ay “goodwill to all men” ang kasama sa mga agenda mo.

[email protected].