Default Thumbnail

Hay buhay, ECQ na naman!

August 2, 2021 Allan L. Encarnacion 460 views

Allan EncarnacionHINDI biro itong parating na ECQ sa Metro Manila.

Nang unang ideklara ang ECQ nitong nakaraang March 2020, naging parang ghost town ang dati’y vibrant National Capital Region (NCR). Walang public transport, sarado ang lahat ng negosyo, maliban sa mga palengke at grocery store, drug stores at mga ospital.

Bawal lumabas ang mga barkada ni Kim Chiu dahil sinabing bawal lumabas, wala tayong makikitang tao sa labas, maliban sa mga APOR or Authorized Person Outside Residence na nasa labas!

Kalakasan ng takot sa COVID noong mga panahong iyon kaya kahit sa grocery store, makakakita ka ng mga mala-astronaut attire sa sobrang praning sa virus.

Maraming walang trabaho noon dahil sarado ang maraming industriya kaya kinailangan ng gobyerno to the rescue sa pamamagitan ng Social Amelioration Program.

Hindi natin inakalang pagkatapos ng mahigit isang taon, babalik na naman tayo sa ECQ matapos tayong palasapin ng mas maluwag na GCQ at MGCQ.

Pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa rin nakakabalik sa trabaho. Dalawa hanggang tatlong araw lamang ang pasok ng iba sa loob ng isang linggo, iyong iba nga, talagang hindi na pinapasok dahil nagsara na ang kompanya.

Kahit sa mga malls, bago pa itong parating na ECQ, wala pa rin masyadong tao at maraming restaurant at stores ang nagsara na dahil sa kawalan ng merkado. Itong susunod na dalawang linggo magmula sa Agosto 6, mabigat na naman ito para sa marami sa atin.

Ang gobyerno, nasaid na ang pondo sa dami ng mga ipinalabas bilang bahagi ng COVID response. Ang mga pribado, bagama’t handang tumulong, limitado naman ang kaya nilang gawin.

Ngayong bagong ECQ, maghahanap na naman ng pondo para pang-ayuda sa mga maapektuhan. Wala na ngang kita ang gobyerno dahil sa limitadong operation ng mga negosyo, heto na naman tayo.

Nariyan na ang bakuna, ano pa ba ang puwedeng nating gawing lahat para makabalik na normal ang ating buhay? Bilisan pa natin ang pagbabakuna, habang nasa ECQ, pasukin na ng mga LGU ang bahay-bahay para hindi na kailangang lumabas ang mga tao.

Marami namang LGU ang mabilis kumilos pero may mga nakukulelat din. Samantalahin natin ang ECQ na ito na mabakunahan ang mayorya ng ating mamamayan para maabot na natin ang tinatawag na herd immunity or population protection.

Magtulungan tayo, makiisa tayo sa ECQ na ito, huwag na tayong matigas ang ulo para mas magtagumpay ang paglaban natin sa Delta variant na ito.

Sabi nga, laban lang, kaya nating makaginto sa pagpapasensiya!

[email protected]