Default Thumbnail

2 Estrada pa rin ang tatakbo sa pagkasenador

August 2, 2021 Marlon Purification 574 views

Marlon PurificationNAGKITA kami ni dating Senador JV Ejercito-Estrada sa chartering ng Alliance Servare ‘D Strikers Maharlika Eagles Club ng The Fraternal Order of Eagle sa Grand Eastern Hotel, Abardeen Court, Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Malakas pa rin ang karisma ni JV dahil lahat aliw na aliw maki-selfie at ‘groupie’ sa kanya. Positibo rin ang komento ng nakararami na nagsasabing napakabait, humble, magalang at hindi suplado ang anak ni dating President Joseph ‘Erap’ Estrada.

“Bagay nga sa kanya ang tawaging The Good One kasi napaka-approchable n’ya at palaging nakangiti,” ani Marlon “Ambon’ Mauricio, isa sa ka-brod sa kinaiinibang fraternity.

Aminado si Senator JV na mahirap ang kakakaharaping laban sakaling ituloy ang planong pagtakbo sa pagkasenador sa darating na halalan.

Pati kasi ang kapatid nitong si dating Senador Jingoy Estrada ay nagpaplano ring kumandidato muli na isa sa dahilan kung bakit kapwa sila natalo noong nakalipas na 2019 mid-term elections.

“Sana, isa na lang sa amin ang tumakbo. Problema ko na ang pondo at pera, problema ko pa ang pagtakbo ng dalawang Estrada,” ani JV sa inyong lingkod.

Tinawagan ko rin nitong Lunes ng umaga si Jingoy para alamin kung ano talaga ang plano nito sa Halalan 2022.

“Oo tutuloy ako,” ani Jingoy sa ‘Uncovered.’

Nang tanungin kung nag-uusap sila ni JV, mabilis ang sagot nito na: “Ewan ko sa kanya, bahala siya sa buhay n’ya!”

Aminado si JV na nawawalan na siya ng pag-asa kung magkasundo pa rin sila ni Jinggoy lalo’t hindi rin maganda na bigyan pa ng problema ang tatay nilang si President Erap na 84-taong gulang na ngayon.

Kung siya ang masusunod, mas mabuting siya na lamang ang tumakbo sa pagkasenador upang maipagpatuloy ang nasimulan sa Senado, partikular na ang pagsasabatas ng Universal Health Care Law (UHC)na malaking tulong ngayong panahon ng pandemya.

Sa ilalim ng batas na ito, lahat ng Pilipino ay awtomatiko nang miyembro ng Philhealth. Kung wala siguro ang Universal Health Care Law ni JV, malamang ay lalong bumigat ang pasanin nating mga Pilipino ngayong COVID-19.

Pareho nating kaibigan sina JV at Jinggoy. Katunayan, pareho nating na-cover sila mula sa pangangampanya hanggang sa maging miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Si Senator Jinggoy ay nagsimula maging senador noong 2004 at si Senator JV noong 2013. Mas kontrobersiyal lang talaga ang buhay ni Jinggoy kasi hanggang ngayon ay dinidinig pa rin ang kasong graft sa Sandiganbayan 5th Division dahil sa umano’y pagkakasangkot sa P10 billion pork barrel scam.

Dalawang senador pa ang nakasuhan sa tinatawag na PDAF scam — sina dating Senate President Juan Ponce Enrile at Senador Bong Revilla.

Tulad ni Jinggoy, wala pa ring desisyon ang kaso ni JPE, samantalang si Senator Revilla ay pinawalang sala na ng Sandiganbayan.

Noong unang sigwada ng lockdown, Mayo ng nakalipas na taon, inimbitahan si Jinggoy ng San Juan police dahil umano sa paglabag nito sa ‘health protocol’ nang mamigay ng isda bilang ayuda sa mga kababayan sa lungsod.

Ani Jinggoy l , pulitika ang dahilan ng lahat ng kinasasangkutan niyang kontrobersiya.

“Iyon lang po ang maipagmamalaki ko. Wala akong kaso,” sabi naman JV.

Noong nakalipas na 2019 midterm elections, kapwa nalaglag sa Magic 12 sina JV at Jingoy. Si JV na nakakuha ng 14 milyong boto ay pang-13, samantalang si Jinggoy ay pang-15 mula sa 11 milyong boto.

Ani Jinggoy, sa pagtakbo niya next year, ang magiging partido niya ay Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Inday Sara.

Si JV naman ay sigurado na sa slot ng tambalang Lacson-Sotto dahil miyembro ito ng Nationalist People’s Coalition (NPC), bukod pa sa magiging pambato rin ito ng HNP dahil bukod sa kaibigan at kapwa niya ‘rider’ ng motorsiklo ang presidential daughter, personal din siyang pinili ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Malapit ding kaibigan ni JV ang napipinto pang presidential candidate na si Senador Manny Pacquiao. Kasama niya ito sa tinatawag na The Seatmates sa Senado na binubuo nina Majority Leader Migz Zubiri, Senators Sonny Angara, Win Gatchalian, Joel Villanueva, Nancy Binay at Grace Poe.

Ang San Juan City kung saan nagsimula bilang mayor si Erap bago naging Pangulo ng Pilipinas ay hawak na ngayon ng pamilya Zamora na dati nilang kaalyado, ngunit kalaban na ngayon.