Default Thumbnail

Gun ban sa Maynila ipatutupad

June 27, 2022 Jonjon Reyes 200 views

Drop lead: Bilang preparasyon sa inagurasyon ni PBBM

IBINABA ng Manila Police District (MPD) ang direktiba na “gun ban” sa Lungsod ng Maynila nitong Lunes, Hunyo 27, 2022 bilang bahagi ng preparasyon at seguridad sa opisyal na panunumpa ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gaganapin sa National Museum sa Padre Burgos St., Ermita, Maynila sa Hunyo 30.

Ayon na rin sa direktiba ni MPD Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco at ng Team PACO ay pag-ibayuhin ang kampanya laban sa nagbabalak ng kaguluhan at hindi pahihintulutan ang nais pasukin upang guluhin ang inagurasyon at maaaring mauwi sap ag-aresto ng mga indibidwal.

Nilinaw naman ng MPD na ipaiiral ang “maximum tolerance” sa mga magsasagawa ng protesta at mga raliyista malapit sa pagdarausan ng inagurasyon.

Sinabi din ni P/Maj. Phillip Ines, MPD Public Information Office (PIO) chief, na ang ipinatutupad na gun ban at suspension sa mga may “permit to carry” ng armas o baril ay hindi muna papayagan maging ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at sibilyan – maliban sa mga awtoridad na naka-duty sa araw ng inagurasyon.

Dagdag din ni P/Maj. Ines, inabisuhan na rin nila ang buong kapulisan ng Maynila sa lahat ng police stations na sakop ng MPD para ipatupad ang kaligtasan ng seremonya sa Hunyo 30.

Plantsado na umano ang security plan ng MPD kaagapay ang puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), mga tauhan ng Army Intelligence, Philippine Coast Guard (PCG) at ilan pang sangay ng pamahalaang local, NBI, at maging ang puwersa ng pamahalaang nasyonal.

AUTHOR PROFILE