Default Thumbnail

Isko dumalo sa ‘huling’ flag-raising ceremony sa Manila City Hall

June 27, 2022 Edd Reyes 167 views

WALANG madamdaming pagpapahayag ng “pagpapaalam” si outgoing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nang dumalo sa regular na pagpupugay sa watawat araw ng Lunes at sa halip ay masaya niyang pinasalamatan ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na katuwang niya upang maabot ang mahusay na serbisyo-publiko sa mga Manileño.

Nangako pa si Mayor Isko na gagamitin niya ang tatlong araw na nalalabi sa panunungkulan upan makapagbigay pa ng magagandang bagay sa mga mamamayan ng lungsod.

“Hindi tayo titigil hangga’t hindi pa tapos ang mga bagay-bagay na kapakinabangan ng mga tao,” sabi pa ni Yorme nang magsalita sa harap ng mga kawani na dumalo sa pagpupugay ng watawat.

Nakatakdang bumaba sa puwesto si Yorme sa Huwebes ng tanghali, kapalit na uupong bagong halal na alkalde na si Mayor-elect Shiela Marie “Honey” Lacuna-Pangan, bilang pinuno ng lokal na pamahalaan.

Pinasalamatan din ng punong ehekutibo ng lokal na pamahalaan ang Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Director Dr. Arnold “Poks” Pangan, mga doktor, nurses, medical frontliners at lahat ng healthcare workers na tumulong sa kanya sa paglaban sa COVID-19.

“Kung tayo’y nakatawid na bagay na hindi ko naman magagawa ng kami lang ni Vice Mayor Honey Lacuna, iyan ay utang natin sa mga matatapang, malalakas ang loob at hindi umatras na doktor, nurses and other members of the medical frontliners, some of them paid the ultimate price of public service. Diyos na lamang ang bahalang lumingon sa kabutihang loob nila sa kapwa,” sabi pa ng alkalde.

Umapela rin siya sa mga kawani na gawin ang lahat ng kanilang “makakaya” sa kani-kanilang larangan lalo na’t mayroon silang sapat na abilidad at kaalaman kaya sila natalaga sa kani-kanilang posisyon sa lokal na pamahalaan.

Pinaalala rin niya sa mga ito na ibahagi ang kanilang kahusayan, karanasan at karunungan, kasabay ng paggamit sa lahat ng kagamitan ng pamahalaan upang makapagbigay ng mahusay na serbisyo-publiko.

“Manatili sa puso’t isipan ninyo araw-araw na mahalin, paglingkuran at pagmalasakitan ang ating mamamayan because that is the very essence of our existence in our respective agencies, bureaus or departments here in the city government,” dagdag pa ng alkalde.

Buong pagpapakumbaba ring hiniling ni Mayor Isko sa lahat ng mga opisyal at kawani na ibigay ang kanilang kaalaman at dedikasyon sa tungkulin kay incoming Mayor Honey Lacuna tulad ng ipinagkaloob ng mga ito sa kanya dahil kahit gaano pa aniya kahusay ang kanilang mga ideya, hangarin at ambisyon para sa mga Manileño ay mawawalang saysay kung wala silang suporta at tulong sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.

“Sana, gawin din ninyo yan sa susunod na administrasyon upang magtuloy-tuloy ang mga bagay na nasimulan na natin. Umasa kayo na andiyan lang ako, sa gedli, bandang wakali, bandang nanka, minsan sa kodli. I make myself available if needed, why not, but for now, I do believe, kayang-kaya ni Mayor Honey, ni Yul (Vice Mayor-elect Yul Servo Nieto), ng anim na Congressmen at 36 na bagong konsehal ang pamamahala,” pahayag pa ni Yorme.

Sa pagtatapos ng kanyang pagsasalita, inamin ng alkalde na mami-miss niya ang kanyang mga mahal na kawani at opisyal na katuwang niya sa paglilingkod sa publiko sa loob ng tatlong taon.

“I’m gonna miss you, I love you but I do believe that Honey (Lacuna) also loves each and every one of you. Pumanatag kayo, kayang-kaya niyang gawin at gampanan ang kanyang tungkulin,” said Mayor Isko.

AUTHOR PROFILE