Leni

Gulo sa Leni camp tumitindi

April 22, 2022 Lee Ann P. Ducusin 1127 views

Pagdalo ng mga teroristang NPA sa b-day party pinagtatalunan

TUMITINDI ang awayan sa loob ng kampo ni Leni Robredo dahil umano sa hindi pagkakaintindihan ukol sa diskarte ng pangangampanya sa kanilang kandidato, kung saan ang isang faction ay payag sa pakikipag-alyansa nila sa mga teroristang New People’s Army (NPA) samantalang ang isang grupo naman ay kontra sa nasabing hakbang.

Ito ang isiniwalat ng isang insider sa kampo ni Robredo kasabay nang pagsasabi na ang grupo ng mga dilawan na binubuo ng mga dati nang naglingkod at tumulong sa kampanya nina dating Pangulong Corazon Aquino at anak nito na si Noynoy ay payag sa pakikipagsabwatan ni Leni sa mga NPA.

Sa isang banda, ang mga pinklawan naman na iyong mga bagong kasama sa grupo at organic kuno na tumutulong sa kampanya ni Robredo sa kanyang kandidatura noong 2016 bilang pangalawang pangulo, ay kontra sa nasabing ideya.

At isa sa mainit na diskusyon ngayon ay kung papupuntahin ang mga teroristang NPA sa ikinakasang birthday campaign rally ni Robredo sa Pasay City ngayong Sabado.

“Yung grupo ng dilaw ayaw nilang pumayag kasi alam nilang maaari lalo itong makasisira sa kampanya ni Leni. Pero yung mga grupo ng pink ipinipilit nila na mas mainam na padaluhin ang mga ito,” ayon sa insider.

Nauna ring pinagtalunan ng dalawang kampo ay kung pasasagutin ba si Robredo sa mga banat ni Isko Moreno.

“Ang gusto ng dilaw hayaan na lamang na si Barry Gutierrez (spokesman ni Robredo) ang sumagot, pero ang pink gusto nila si Robredo mismo ang sumagot,” dagdag pa ng insider, pero sa huli ang grupo ng pink ang tila nasunod dahil mismong si Robredo ang sumagot sa mismong mga banat ni Moreno.

Nagsimula raw ang iringan ng dalawang kampo matapos igiit ng grupo ng dilaw na huwag na pasagutin sa media si Robredo at hayaan lamang itong magsalita tuwing mayroong teleprompter para hindi umano ito mapahamak at pagmukhaing katawa-tawa ng mga kritiko.

Pero hindi raw ito nagustuhan ng grupo ng pink dahil pinilit ng mga ito na dapat ay si Robredo mismo ang sumagot sa lahat ng isyu.

“Ang problema kasi tuwing magsasalita si VP lagi itong napapahamak kaya mas gusto sana ng dilaw na palagi itong may teleprompter para masigurong hindi ito magmukhang katawa-tawa,” dagdag pa ng source.

Anang source halos dalawang linggo na lamang ang eleksyon ay patuloy daw na umiinit ang bangayan ng magkabilang grupo, habang ang mga teroristang NPA na pinamumunuan ni Joma Sison ay nag-aantay ng atas kung manggugulo ba sila sa halalan o hindi.

AUTHOR PROFILE