DOTr

Grupong Ani Kalikasan, humirit sa DOTr

May 15, 2023 Edd Reyes 274 views

PMVICs, buwagin

MULING kinalampag ng grupong “Alagaan Natin Ating Kalikasan” (Ani-Kalikasan) ang tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) upang bawiin na ang inilabas na Department Order na lumilikha sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).

Sinabi ni Jun Evangelista, pangulo ng Ani Kalikasan, na nasilip sa isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang umano’y kuwestiyonableng paglikha ng PMVIC na batay lamang sa Department Order, hindi tulad sa Private Emission Testing Center na nilikha sa ilalim ng Clean Air Act, kaya’t pinababawi na ito ng mga senador sa inilabas na committee report na pirmado ng halos lahat ng miyembro ng komite.

Ilan sa mga kinuwestiyon ng Senado ang legalidad sa paglikha ng PMVIC na batay lamang sa Department Order, walang sapat na konsultasyon at transparency sa accreditation, hindi sapat na bilang ng mga itinayong inspection centers, mga aberya sa sistema at hindi tugma sa nakakonektang private motor vehicle inspection system sa Information Technology (IT) ng Land Transportation Office (LTO).

Bukod dito, may utos na rin ang Palasyo ng Malacañang na sagutin ng DOTr ang mga isyung ito subalit wala pa ring katugunan ang tanggapan ni Secretary Jaime Bautista.

Sabi pa ni Evangelista, may hakbangin na rin na imbestigahan ng Blue Ribbon Committee ang umano’y anomalya sa accreditation ng PMVIC base na rin sa mga ulat na karamihan sa mga operator nito ay walang sapat na puhunan upang magpatakbo ng testing centers.

AUTHOR PROFILE