GFI tatanggapin certificate ng LTFRB na kailangan para sa loan application
TATANGGAPIN na ng mga Government Financial Institution (GFI) ang certificate na ilalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang alternatibong dokumento na kailangan upang makakuha ng tulong-pinansyal para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Kasunod ito ng hinaing ng ilang kooperatiba at korporasyon na nahihirapang makapangutang sa mga GFI, tulad ng Development Bank of the Philippines (DBP) at Landbank of the Philippines (LBP), dahil hinihintay pa na maproseso ng Local Sangunian Ordinance (LSO) ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) gayundin ang Route Rationalization study na kasalukuyan pang tinatapos.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-018, maaari nang maglabas ng alternatibong certificate ang LTFRB para sa mga kooperatiba at korporasyon na mayroong loan application sa mga GFI at wala pang aprubadong Local Public Transport Route Plan (LPTRP) o Route Rationalization Study.
Kabilang sa mga kwalipikadong bigyan ng alternatibong certificate ang mga kooperatiba at korporasyon na pumapasada gamit ang Public Utility Jeepney (PUJ) Class 1, 2, 3, at 4, at UV Express Class 3.
Isusumite ng mga GFI sa LTFRB ang listahan ng mga ruta na sakop ng loan application kasama ang kaukulang bilang ng mga unit, class ng unit, denomination o uri ng pampublikong sasakyan, at ang lokasyon ng ruta.
Kasunod nito, susuriin ng LTFRB ang listahan sa loob ng partikular na panahon alinsunod sa Citizen’s Charter at gamit ang technical parameters na nakasaad sa naturang Memorandum Circular.
Kung kwalipikado, maglalabas ang LTFRB ng Alternative Certificate at listahan ng mga nabigyan nito upang maging basehan ng mga GFI.
Kung hindi naman kwalipikado, aabisuhan ng Ahensya ang bangko hinggil sa kasalukuyang status ng aplikasyon.
“The Board approved the issuance of an Alternative Certificate as a temporary solution to fast-track the approval of their loan application, while providing GFIs the assurance of the viability of routes whose LPTRP is still being processed and local government approval is still pending,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.
“Sa tingin po namin, isa itong ‘win-win situation’ hindi lamang sa mga nag-consolidate na at sa mga GFI, kung pati na rin sa mga hindi pa nagko-consolidate upang mapalapit tayo sa layunin na magkaroon ng isang modernong sistema ng pampublikong transportasyon sa ating bansa,” dagdag pa ni Chairman Guadiz.