DA

Pagkontrol ng zoonotic diseases tiniyak ng DA

May 7, 2024 Cory Martinez 60 views

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) ang maagap at epektibong pagpapatupad ng mga proyekto para sa pagkontrol ng mga zoonotic disease para mapangalagaan ang mga hayop pati ang mga tao.

Tinatawag na zoonotic ang mga sakit na galing sa hayop at napupunta sa tao o mula sa tao at nakakahawa ng mga hayop.

Ito ang tugon ni DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano matapos na ilipat ng Department of Health ang pamumuno ng Philippine Inter-agency Committee on Zoonoses (PhilCZ) sa DA mula 2024 hanggang 2025.

Sinabi ni Savellano na mahalaga ang transition para sa malakas na kolaborasyon para masawata ang mga zoonotic disease na siyang pangunahing prinsipyo ng One Health approach.

“We are committed to ensuring a nation that is responsive in detecting, preventing, educating and eliminating zoonotic diseases, thereby promoting the health and wellbeing of both the animal and human population,” binigyang-diin ni Savellano.

Sa pamamagitan ng Presidential Administrative Order (AO) No. 10, naitatag noong 2011 ang PhilCZ, na binubuo ng DA, DOH, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) kabilang na ang kani-kanilang ahensya bilang mga miyembro.

Nilalayon ng PhilCZ ang pagbuo ng strategy na pang-nasyonal at ipatupad ang mga mahuhusay na mekanismo sa pag-iwas, pagkontrol at pagsawata sa mga sakit na maaaring ilipat sa pagitan ng mga hayop at tao katulad ng Avian Influenza, rabies at leptospirosis at ibang pang mga impeksiyon.

Samantala, sinabi naman ni Dr. Constante Palabrica, DA Assistant Secretary for Swine and Poultry at OIC director ng Bureau of Animal Industry (BAI), na patuloy pang naitatala sa bansa ang mga kaso ng zoonotic diseases katulad ng Avian Influenza at rabies.

“When it comes to rabies, in 2023, halos isang Pinoy ang namamatay kada araw dahil sa rabies.

Ngayong 2024, tuloy-tuloy pa rin ang cases ng rabies. Sa Avian Influenza, well-monitored naman ito ng department, merong mga probinsya pa na may kaso ng AI tulad ng Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Kalinga, Cagayan, Bataan,” ani Palabrica.

Ayon pa kay Palabrica na sa kabila ng pagkakaroon pa ng mga kaso ng AI sa ilang probinsiya, 10 lalawigan ang nagdeklara na wala nang kaso ng naturang sakit.

Kabilang dito ang Camarines Sur, Davao del Sur, Rizal, South Cotabato, Ilocos Sur, Batangas, Capiz, Quezon, Aurora, at Ilocos Norte.

Tiniyak ni Palabrica na masusing nagmamatyag ang DA sa pamamagitan ng BAI sa mga kaso ng AI at iba pang zoonotic diseases.

AUTHOR PROFILE