Yague Si Engineer Alex Yague, Executive Director ng ‘Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas’ (dating PBOAP). File photo

Grupo ng mga bus operators, humihirit ng dagdag-pasahe

June 15, 2022 Jun I. Legaspi 344 views

HUMIHILING ng dagdag-singil na P4 sa pasahe sa ordinary bus at P7 naman para sa airconditioned bus ang mga operator ng bus sa Metro Manila (MM).

Ang mga operator naman ng provincial bus ay dagdag na P6 sa ordinary at P.75 centavo “per kilometer” ang inisaad sa pinagsamang petisyon sa dagdag-singil sa pamasahe.

Sa interview kay Engineer Alex Yague, executive director ng “Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas (dating PBOAP), kinumpirma nito na pormal na silang nagsampa ng “petition of fare hike” sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Yague, ang petition na dagdag-pasahe ay mula sa tatlong malalaking grupo ng mga operators ng bus: Southern Luzon Bus Operators Association, Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas, at Samahang Transport Operators ng Pilipinas.

Pangunahing ipinunto ng grupo sa kanilang petition ang walang humpay na pagtaas ng petrolyo lalo na ang diesel na siyang pangunahing gamit ng mga public utility bus (PUB).

Sa matrix na ipinakita ng grupo, P45 kada litro pa ang presyo ng diesel noong 2018 samantalang ngayong buwan ng Hunyo, taong kasalukuyan, P81 na kada litro ngunit mula pa 2018 ay hindi nagbabago ang pamasahe sa mga bus.

Tinukoy din ng grupo ang pagtaas din ng toll fees ng mga pangunahing expressways gaya ng NLEX, SCTEX, TPLEX, SLEX, STAR Tollway, at CAVITEX.

Dagdag pa ni Yague, mahalaga ang mga expressways na ito sa pagbiyahe nila para mas mabilis at ligtas na maihatid ang mga pasahero pauwi at papasok sa trabaho gayun din ang mga pabalik ng kanilang mga probinsiya.

Idiniin din ni Yague ang pagtaas rin ng mga spare parts ng mga bus, kabilang dito ang baterya, gulong, lubricants at iba pang gamit.

Kailangan din nilang sumunod sa itinakda ng batas sa pagtataas ng suweldo ng kanilang mga tauhan.

AUTHOR PROFILE