Default Thumbnail

Ginang nasakote sa online ‘pambubugaw’

September 24, 2022 Melnie Ragasa-limena 409 views

NAARESTO ng pulisya ang isang ginang sa diumano na nagbebenta sa halagang P2,500 ng mga batang babae sa pamamagitan ng “online booking” sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Ang suspek ay nadakip ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) at District Women and Children Concern Section (DWCCS) sa isang joint operation dakong alas-6:45 ng gabi (Set. 23) sa tapat ng isang motel sa Kalayaan Avenue, Bgy. Diliman, sa lungsod.

Una rito, nakatanggap umano ng “tip” ang mga tauhan ng DSOU at DWCCS mula sa isang confidential informant hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek, na sinasabing sangkot sa “prostitusyon” sa pamamagitan ng online booking ng mga menor de edad.

Upang maberipika ang ulat, isang tauhan ng DSOU ang nagpanggap na kostumer at nagpa-book sa pamamagitan ng Facebook Messenger ng suspek para sa anim na babae, sa halagang tig-P2,500 bawat isa.

Nagkasundo ang undercover cop at ang suspek na magkikita sa tapat ng naturang motel.

Agad namang pinosasan ng mga pulis ang ginang nang ihatid ang mga menor de edad na babae sa kanilang tagpuan at tanggapin ang marked money kasabay nang pagkakasagip sa limang biktima na “ibinibugaw” nito.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o The Anti-Trafficking in Persons Act as amended by RA 11862 o The Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 in relation to RA 10175; Cybercrime Prevention Act of 2012; RA 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang nasabing suspek.