Default Thumbnail

German nat’l ‘nagwala’ sa coding, nakuhanan ng opium

June 17, 2023 Edd Reyes 115 views

SINAMPAHAN na ng patong-patong na kaso ng pulisya ang isang German national na nakumpiskahan ng mga buto ng hinihinalang opium matapos magwala at mag-eskandalo nang sitahin sa paglabag sa number coding sa Makati City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, naipabatid na ng Makati City Police sa embahada ng Aleman ang pagkakadakip sa suspek, 37, matapos makuhanan ng 16 na plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang mga buto ng opium poppy matapos sitahin sa paglabag sa number coding nito lamang Huwebes ng bago mag-tanghali sa kanto ng Arnaiz Avenue at Pasong Tamo, Barangay Pio Del Pilar.

Sa isinumiteng ulat ni Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo, nagsasaayos ng daloy ng trapiko ang mga tauhan ng Public Safety Department (PSD) ng Pamahalaang Lungsod ng Makati nang pahintuin nila ang minamanehong puting Duramax Chevrolet ng dayuhan dahil sa paglabag sa number coding.

Nang hingin ng mga tauhan ng PSD ang lisensiya at rehistro ng Aleman, tumanggi ito at nagsimula ng pumalag at magwala kaya’t humingi na ng tulong ang mga lokal na traffic enforcer sa San Isidro Police Sub-Station.

Gayunman, hindi pa rin naawat sa pagwawala ang dayuhan kaya’t inaresto na siya ng mga pulis at nang kapkapan, dito na nakuha sa kanya ang 16 na plastic sachets na may buto ng opium.

Mga kasong paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code (RPC) at Sec. 11, Art. II ng RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa dayuhan.

“Patuloy naming ipapatupad ang batas sa lahat ng pagkakataon. Kahit anong nasyonalidad basta ikaw ay lumabag sa batas dito sa bansa ay hindi kaming mangingiming ipatupad ano ang nararapat,” pahayag naman ni Okubo nang sampahan ng kaso ng pulisya ang dayuhan.

AUTHOR PROFILE