Default Thumbnail

‘Zombie’ na miyembro ng criminal gang, ikinahon ng pulisya

June 17, 2023 Edd Reyes 140 views

HINDI na nakalusot sa kamay ng batas ang miyembro umano ng isang grupo ng mga kriminal nang makumpiska sa kanya ang hindi lisensiyadong baril, Biyernes ng umaga sa Caloocan City.

Sa bisa ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130 na may petsang Hunyo 9, 2023, hinalughog ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Section ng Caloocan police, District Intelligence Division ng Northern Police District (DID-NPD) at NCR Maritime Police ang bahay ng suspek na may alyas na “Zombie,” 36, miyembro ng “Asistin Criminal Group,” sa Barangay 176, Bagong Silang dakong alas-11 ng umaga (Hunyo 16).

Sa isinumiteng ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay NPD Director P/MGen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones, Jr., inaprubahan ng hukuman ang paglalabas ng search warrant matapos lumutang ang testigong nagpatunay na may iniingatang armas ang suspek na umano’y ginagamit sa iligal na aktibidad.

Napag-alaman na madulas at laging nakakaiwas diumano sa kamay ng batas ang suspek sa kabila ng pagkakasangkot ng kanyang kinaanibang grupo sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad kabilang ang iligal na droga, panghoholdap, at pagnanakaw.

Ayon kay Lacuesta, isusumite nila sa NPD Forensic unit ang nakumpiskang kalibre .45 baril na may magazine na naglalaman ng apat na bala sa suspek upang matukoy kung kabilang ito sa armas na nagamit sa mga nangyaring krimen.

Pinuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo ang walang humpay na pagsisikap ng Caloocan City Police Station na dakpin ang mga masasamang elemento ng lipunan kabilang ang suspek.

Aniya, patunay lamang sa kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at pagtataguyod ng panuntunan ng batas.

AUTHOR PROFILE