Galaw-galaw, DENR!

June 23, 2022 Paul M. Gutierrez 61 views

PaulMARAMI pong natutuwa sa ginagawang pagpapaganda at rehabilistayon ng Manila Bay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Alam po nating naging kontrobersiyal para sa marami ang dolomite beach na isang proyekto para mapaganda ang nasabing lugar at maibalik ang “tunay na anyo” ng Manila Bay — isang ‘white beach’ na umaabot mula lugar ng Del Pansa Maynila hanggang sa Cavite.

Bagamat binagyo po ng kontrobersiya ay hindi po nagpatinag ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at itinuloy ang plano kahit sa gitna ng pandemya. At isa po ito sa mga ibinabato noon at nasagot na po ito kung bakit may ganitong proyekto habang marami ang nagkakasakit.

Unang-una po naaprubahan na po ang proyekto bago pa ang pandemya. Ibig sabihin, walang dahilan para hindi gawin ang proyekto at mas magiging mahirap kung may pondo para sa pagpapaganda pero hindi naman pagagandahin.

Gayunpaman, sa dinami-dami ng mga ginawang batikos dito ay nakita naman po natin ang resulta. Talaga pong dinarayo ng ating mga kababayan na sa matagal na panahon ay mistulang naging literal na basurahan ng Maynila.

Opo, kung natatandaan po natin kung gaano karumi ang Manila Bay lalo na sa tuwing dumarating ang mga bagyo. Maliban sa hindi maganda sa paningin ay hindi rin maganda sa pang-amoy. Ang isang tourist destination dapat na may isa tayo sa pinakamagandang sunset sa buong mundo ay mistulang iniiwasan noon dahil sa napakadumi po nito.

Kung tutuusin, halos masasabi noon na imposible nang maibalik ang ganda ng Manila Bay dahil sa dami ng basura at tila nakasanayan na lamang na laging marumi doon. Nakailang cleanup drive na po dyan ang local at national government pero talagang hindi maalis-alis ang basura dyan.

Aminin na rin po kasi natin na talagang pagdating sa basura wala pong disiplina ang maraming mga Pilipino. Hindi po talaga tayo malinis sa ating kapaligiran at nakakalungkot dahil repleksyon po ito ng ating pagkatao.

Pero mula po nang gawin na ang proyekto para pagandahin ito, wala pong makapagsasabi na hindi naging malinis ang Manila Bay. Nagiging puntahan na po muli ito ng ating mga kababayan at nagsisimula na muling mabuhay ang turismo dito.

Ang ganda na po nang nasimulan ng DENR para dito pero mukhang natutulog na po sila sa pansitan.

Dahil nakakadismaya na unti-unti na namang bumabalik ang basura o mga nagdudumi sa Manila Bay. Opo, napadaan po tayo doon ng personal at talaga naman pong mukhang hindi nagiging prayoridad ngayon ng kasalukuyang administrasyon ng departamento ang nasabing proyekto.

Nawala lang po si dating DENR Usec. Benny Antiporda sa nasabing departamento ay talaga naman pong tila lumalamya ang pag-aaruga sa proyekto ito.

Dahil kilala po natin si Usec. Antiporda pagdating sa trabaho. Lagi po itong hands-on at alam niya na ang pagpapaganda at paglilinis ng Manila Bay ay isang tuluy-tuloy na gawain.

Aber, muling bumalik ang masangsang na amoy sa Manila Bay, partikular na d’yan sa may Harbour Square at sa Manila Yacht Club.

Para sa atin, pruweba ito na umalis lang sa DENR si Usec Antiporda at Secretary Roy Cimatu, bumalik na naman sa ugaling “dugyot” ang mga negosyante na ang mga negosyo ay ginawagang tapunan ng basura at mga dumi sa kubeta ang Manila Bay.

Hmm. Dahil kaya ang ilan sa mga negosyante dyan eh matataas na opisyal ng gobyerno na may malakas na koneksyon sa DENR mismo at sa Manila City Hall?

Translation? Bumalik na naman ba ang korapsyon sa DENR kaya bumalik na naman ang masangsang na amoy sa Manila Bay. Eh, kahit nga sa Pasig River ngayon, sa likod ng National Press Club, kitang-kita na mahimbing na ang tulog sa pansitan ng mga nasa DENR. ‘Ambaho na rin kasi, hehehe, ayy, huhuhu!

Tandaan natin. Ang ganitong proyekto ay hindi basta-basta pwedeng pabayaan o maging malamya.

Nakakalungkot na para bang nasanay na tayo sa basura. Kaya ang iba pati pag-uugali ay basura.

Nakakalungkot dahil repleksyon po ito ng ating pagkatao. Kung paano po ang pagpapahalaga sa kalinisan sa paligid natin ay ganoon din po ang pagpapahalaga natin sa ating sariling budhi.

Sana din ay maging tuluy-tuloy na proyekto ito ng mga lokal na pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan. Dahil kahit paano po pagandahin ang isang lugar gaya ng Manila Bay kung tuluy-tuloy lang din ang gawain ng tao na walang pagpapahalaga sa kalinisan at kalikasan, balewala po lahat ng ito.

Kapag ganito po, laging mauuwi ang sisi sa gobyerno. Itatanong kung ano ang ginagawa ng gobyerno at iisipin na hindi natatrabaho ang mga nakaupo dito.

Kaya naman galaw-galaw naman diyan, DENR. Kulang na kulang pa po sa awareness ang maraming mga Pilipino kaya hindi po ninyo aasahan na kusang magiging malinis ang Manila Bay.

At tigilan na kasi ang katamaran at pagiging gahaman ng ilan sa inyo dyan.

Ang dapat talaga dyan sa DENR? Isang opisyal na sinsero ang malasakit sa ating kapaligiran at hindi sariling bulsa ang pinapahalagahan, period!

AUTHOR PROFILE