Default Thumbnail

‘Fixer’ sa QC health department tiklo

January 19, 2023 Melnie Ragasa-limena 270 views

ARESTADO ang 49-anyos na ginang na sinasabing “fixer” umano sa Health Department ng Quezon City Hall, Miyerkules ng umaga.

Ang suspek ay may asawa, vendor, at nakatira sa Barangay Central, Quezon City.

Ang ginang ay inireklamo ni Ma. Charlotta Joycelleana Oliveros, Sanitation Inspector VI, representante ng Quezon City Health Department (QCHD), kasama ang isa sa mga nabiktima na 31-anyos na binata, supervisor ng isang ahensiya ng mga security guard at residente ng Bgy. Sto. Cristo, QC.

Sa report ng Kamuning Police Station (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 11:00 ng umaga (Enero 18) nang madakip ang suspek sa ikalawang palapag ng QCHD Building na matatagpuan sa Gate 4 Quezon City Hall Compound, Kalayaan Avenue, Bgy. Central, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Wilmore M Bataanon, ng PS 10, nag-aalok umano ang suspek sa mga kukuha ng Health Certificate of Applicants sa QCHD na siya umano na ang “mag-aasikaso” kapalit ng P750 upang mapabilis at wala na silang aalalahanin pa.

Hinihingan din umano ng suspek ang mga aplikante ng “blank authorization letter” na gagamitin upang ma-claim ang kanilang certificate.

Pero napansin ng Sanitation Inspector na may mga pagkakaiba sa proseso ng 16 na aplikasyon at doon ay nadiskubreng ang isinumiteng laboratory ng mga aplikante ng suspek ay pawang mga “peke.”

Agad na humingi ng tulong si Oliveros sa Department of Public Order and Safety (DPOS) Security Officers at inaresto ang suspek.

Nakapiit na ang supsek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Art. 151 (Serious Disobedience), Art. 315 of the RPC (Estafa), at C.O. 1656 (Banning the Presence of Fixers within the Vicinity of Government Officers in Quezon City).