Default Thumbnail

Mayor Honey inanyayahan publiko sa selebrasyon ng Chinese New Year

January 19, 2023 Edd Reyes 218 views

INILATAG ng Manila Public Information Office (MPIO) ang mga aktibidad na magaganap sa Distrito ng Binondo kaugnay sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Linggo, Enero 22, 2023.

Sa anunsiyo na inilabas ni Atty. Princess Abante, hepe ng MPIO, nagsimula ang aktibidad ng araw ng Huwebes, Enero 19, na katatampukan ng Chinatown Food Festival na gaganapin sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo at magsisimula ng alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi na tatagal hanggang sa araw ng Linggo, Enero 22.

Sa Sabado, Enero 21, magaganap ang Chinese New Year countdown at grand fireworks display na gaganapin dakong alas-11 ng gabi.

Pahihintulutang manood ang publiko ng fireworks display sa kahabaan ng Jones Bridge na magsisilbi bilang viewing deck.

Sa araw mismo ng selebrasyon ng Chinese New Year sa araw ng Linggo, gaganapin ang Dragon Boat competition sa Birch Tree Plaza sa Binondo sa ganap na alas-8 ng umaga.

Dakong alas-2 ng hapon ay gaganapin ang Solidarity Parade na magsisimula sa gusali ng Post Office na matatagpuan sa dulong hilaga ng Liwasang Bonifacio sa Ermita.

Ang bantog na Huaxing Arts Group Chinese Cultural Show na kinasasabikan ng mga Chinese-Filipino community ay magaganap naman sa Plaza Lorenzo Ruiz.

Ang publiko ay inaanyayahan ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na makiisa sa tauhang pagdaraos ng Chinese New Year sa Binondo na tinaguriang “pinakamatandang” Chinatown o Barrio Chino sa buong mundo bilang pagsalubong sa Year of the Water Rabbit.

AUTHOR PROFILE