Bello

Empleyadong magtatrabaho sa special holiday ng Pebrero tatanggap ng premium pay

January 31, 2022 People's Tonight 281 views

ANG mga empleyadong magtatrabaho sa mga special non-working day sa Pebrero 1 (Chinese New Year) at Pebrero 25 (EDSA People Power Revolution Anniversary) ay may karapatang tumanggap ng karagdagang sahod, paalala ng labor department sa mga employer.

Inilabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Labor Advisory No. 3, Series of 2022, upang gabayan ang mga employer at empleyado sa tamang pagtutuos ng premium pay para sa mga nasabing special non-working day.

Ang premium pay ay tumutukoy sa karagdagang sahod para sa trabahong ginampanan sa loob ng walong oras sa mga araw na walang trabaho, tulad ng special day, pahayag ni Bello.

Sa ilalim ng Labor Advisory, ang mga empleyadong magtatrabaho sa mga nasabing araw ay babayaran ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho. [(Arawang sahod x 130%) + COLA].

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho ng overtime ay tatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang orasang kita sa nasabing araw. [Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].

Nakasaad din sa Labor Advisory na ang mga magtatrabaho ng special holiday na araw rin ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 50% ng kanilang arawang sahod sa unang walong oras ng trabaho. [(Arawang sahod x 150%) + COLA].

Ang empleyado na magtatrabaho ng overtime sa special holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babarayan ng karagdagang 30% ng kanilang orasang kita sa nasabing araw. [Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].

Para sa mga empleyadong hindi nagtrabaho, ang alituntuning “no work, no pay” ang susundin maliban na lamang kung ang kompanya ay may ipinatutupad na polisiya o collective bargaining agreement na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Idineklara ang Pebrero 1 at Pebrero 25 na Special (Non-Working) Day sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 1236 na inisyu ni Presidente Rodrigo Duterte noong Oktubre 29, 2021.

AUTHOR PROFILE