Electrician huli sa pandurukot ng cellphone

December 13, 2022 Jonjon Reyes 82 views

POSITIBONG kinilala at itinuro ng biktima at kasama nitong lalaki ang nandukot ng kanyang cellphone, habang tumatawid sa pedestrian lane sa panulukan ng Antonio Villegas at Natividad Streets sa Ermita, Maynila Lunes ng hapon.

Ang suspek ay isang 24-anyos na binata, electrician, at kasalukuyang naninirahan sa Navotas City.

Ayon kay P/Maj. Edward Samonte, hepe ng District Investigation Division ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila Police District (MPD), pasado alas 3:20 ng hapon nang dukutan ang iPhone 8 na kulay itim na nagkakahalaga ng mahigit P20,000 na pag-aari ng isang 20-anyos na dalagang estudyante.

Kitang-kita ng kasama ng estudyante ang ginawang pagdukot sa mobile phone ng biktima, kaya nagsisigaw ito para humingi ng tulong.

Dito na nakitang tumatakbo ang suspek at agarang kumilos ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para habulin ito.

Kinapkapan pero walang nakitang cellular phone ang mga awtoridad, subalit kinunan ito ng larawan at ang kanyang pagkakakilanlan bago ito pinauwi.

Hindi kuntento ang estudyante na mapapalaya na lang basta ang lalaki, kaya naisipan nitong dumulog sa tanggapan ni Samonte.

Dito na iniutos kina P/Maj. Emmark Dave Apostol at P/Lt. Edgar Julian ang magsagawa ng follow-up operation.

Sa pamamagitan ng kuha ng CCTV (closed-circuit television) camera, kitang-kita na itinago ng suspek sa may poste ng LRT ang nakuhang cellphone bago nagkaroon ng umaatikabong habulan.

Nagawa umanong balikan ng suspek ang cellphone ng estudyante saka nito nilisan ang lugar.

Sa follow-up operation ng pulisya, pinuntahan nila ang ibinigay na address ng suspek sa Navotas pero wala doon ang nasabing electrician.

Sa puntong ito, bandang 10:30 na ng gabi nang isang impormante ang nagsabi na ang suspek ay nasa Santiago Resort sa Santiago St., Fortune 1, Gen. T De Leon St., Valenzuela City.

Namataan ang suspek sa tapat ng nasabing resort at nakita dito ang dinukot na cellphone.

Agad itong pinosasan saka dinala sa MPD SMaRT at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 308, Revised Penal Code (theft).

Ipinahayag ni MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang “keep up the good work” sa kapulisan sa gitna ng pinaigting na SACLEO at programa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo, S.A.F.E o “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions.”

AUTHOR PROFILE