Default Thumbnail

DSWD ‘di dapat ‘mag-sorry’ at ‘joke’ na may “hugot”

October 14, 2022 Paul M. Gutierrez 405 views

PaulKAHIT paano natin isipin ay hindi talaga natin maintindihan kung bakit kailangang ikagulat ni Senator Pia Cayetano ang ‘kakulangan’ umano ng kaalaman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo partikular sa kakapusan ng mga social worker sa bansa. Nangyari ito sa pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa 2023 badyet ng DSWD.

Eh, ano bang nakakagulat dito? Ilang buwan pa lamang ba na nasa posisyon sina Sec. Tulfo sa DSWD at kaniyang mga staff?

Isa pa, kahit sa kanilang pag-upo sa puwesto ay isa na ang DSWD sa nilaman ng mga balita dahil sa pamimigay ng mga benepisyo sa mga mamamayan na imbes na maunawaan ang kakulangan ay nabatikos pa ng iba. Partikular po dito ang pamimigay ng educational assistance sa mga mahihirap.

Kasabay din po ng pag-upo sa puwesto ni Sec. Tulfo ang mga kalamidad na nangyari sa bansa gaya ng lindol sa Abra at nitong huli ay ang Bagyong Karding. Sa kasalukuyan ay nariyan naman ang Bagyong Neneng.

Bagaman nga at naging magalang at gentleman si Sec. Tulfo na akuin ang ‘pagkukulang’ nila sa departamento dahil sa hindi nila nasagot mabuti o hindi nila natugunang mabuti ang gustong sagot ni Senator Cayetano, sa ganang atin ay hindi dapat ito ipagpaumanhin.

Dapat kasi nating unawain ang sitwasyon sa mas malalim na konteksto kung bakit may ‘pagkukulang’ sa ngayon ang DSWD.

At may kakulangan ng social worker dahil na rin sa kakulangan ng mga pamantasan na nag-aalok ng kursong ito. Hindi naman talaga kasi nakikitang lucrative job o trabahong may mataas na suweldo ang pagiging social worker.

Hangga’t mababa ang sahod wala pa rin o limitado pa rin ang mag-aapply na social worker, tama ba, dear readers?

Translation? Imbes na punahin ang pagkukulang ay mas kailangang tulungan kung paano mapapaunlad ang DSWD. Dahil marami pong mga kababayan nating mahihirap ang direktang nakikinabang diyan, period!

***

Mahirap din talaga kapag kilala kang “seryosong tao,” dear readers.

Sa nakaraan kasing pagdinig ng Senado sa badyet ng DPWH nitong Huwebes, malinaw na hindi ‘na-gets’ ng mga miron ang mga “pagbibiro” ni Sen. Alan Cayetano dahil nga kilala siya bilang ‘serious person.’

Kuwidaw, ‘yung mga ‘jokes’ niya sa pagdinig, may “laman” na katotohanan kung susuriing mabuti.

Isa na rito ay ang kanyang sinabi sa planong paglilipat ng ating airport sa Clark at Bulacan kung saan balak na lang din na gawing national park at ‘commercial business district’ ang NAIA.

Ganito ang sinabi niya: “One of the proposals during the Duterte administration is if matuloy ‘yong Bulacan and Cavite airport, gawin nang park kahit kalahati ng NAIA ‘di ba? At ito magiging lungs o central park ng Pilipinas then ‘yong kalahait i-benta as a central business district.”

Pabirong hirit pa niya—na nagviral sa social media– “Actually ako may amended proposal doon, ‘yong kalahati gawing park, ‘yong kalahati hatiin sa dalawa.

“‘Yong una gawing Ferdinand Marcos Sr. Business Park, ‘yong kalahati gawing Ninoy Aquino Business Park para mag-compete ‘yong mga negosyante rather than boycott, boycott, tingnan na lang natin kung saan sila pupunta doon sa dalawa, ‘di ba?”

Bagaman maraming natawa, obvious na hindi nakuha ng mga miron ang kanyang gustong sabihin na malalim pa rin ang ating ‘political divide’ sa isyu ng mga Aquino at mga Marcos.

Idinaan na lang ni Sen. Alan sa isang patawa ang pagpapakita sa atin ng malalim at matagal nang problema na pumipigil sa ating pag-unlad bilang bansa: ‘national division’ at ‘national disunity.’

Again, joke lang ito ng senador, pero hitik ito sa pagtutuligsa sa kasalukuyang estado natin bilang mga mamamayan. Gets mo ba, Boss Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE