Dizon: Drug test para sa bgy officials bago ang BSKE 2023
HINAMON ng direktor ng Manila Police District (MPD) ang lahat ng opisyales ng barangay sa Lungsod ng Maynila na tanggapin at sumailalim sa drug testing bago makilahok sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 2023.
Sa ginanap na media forum sa “Balitaan sa Tinapayan” sa Sampaloc, Maynila, sinabi ni Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon, MPD director, na ang hamon ay para maiwasan ang agam-agam at pag-alinlangan sa mga barangay officials kung may mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Ito ay para din malaman kung may gumagamit din ng mga ipinagbabawal na gamot, ayon pa kay Dizon.
Paglilinaw naman ng MPD chief, ito ay “voluntary” at kung tatanggi naman ay ipapaubaya nito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Manila Barangay Bureau.
Sinabi ni Dizon na parte ito ng kampanya kontra iligal na droga ng MPD at upang bigyang linaw at pagiging “malinis” ng mga opisyales hindi lang sa pulisya, maging sa mga residenteng nasasakupan nila.
Kaugnay nito, sinabi ni Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na tali ang kanilang kamay sa ganitong mga usapin.
Aniya, 2010 pa ng hiniling nila sa mga barangay officials na kapag magsumite ng “Certificate of Candidacy” o COC, ay magsama ng drug test result sa kanilang dokumento subalit iniprotesta ito umano at kinatigan sila ng Korte Suprema.