Crime

Tricycle driver binoga sa ulo

May 4, 2024 Edd Reyes 56 views

TIGMAK ng dugo at bumulagta ang 56-anyos na tricycle driver sa kalsada matapos barilin sa ulo ng hindi nakikilalang salarin noong Biyernes sa Caloocan City.

Sa ulat na tinanggap ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nakatayo sa Samson Road, Brgy. 72 ang biktimang si Fernando Lopez, ng 318 F Torres St., Brgy. 75 habang naghihintay ng pasahero nang lapitan ng salarin dakong alas-7:30 ng gabi at pinagbabaril ng malapitan sa ulo.

Matapos ang pagpatay, tumakas ang suspek na naka-itim na jacket at maong na short pants patungo sa direksyon ng EDSA.

Sa imbestigasyon nina P/MSg. Michael Olpindo at P/SSg. Deojoe Dador, posibleng kalibre .38 revolver ang gamit ng salarin dahil walang nakitang basyo sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sa panayam kay SSg. Dador, wala pa silang nasisilip na motibo sa pagpatay dahil patuloy pa ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat.

Iniutos na rin ni Col. Lacuesta ang backtracking at masusing pagsusuri sa kuha ng mga nakakabit na CCTV para makatulong sa pagkakakilanlan at pagtugis sa salarin.

AUTHOR PROFILE