Suspect

DENR pinarangalan ang Lungsod ng Maynila

July 16, 2022 Edd Reyes 326 views

PINAPURIHAN nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang tanggapan ng Department of Public Services (DPS) dahil sa kanilang tagumpay na mapakinabangan ang mga itatapon na sanang bsura.

Ang papuri ay kanilang ipinaabot matapos na kilalanin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Lungsod ng Maynila bilang “Best Practices on Upcycling” sa ginanap na Solid Waste Management Summit sa Manila Hotel noong Huwebes ng gabi.

Mismong si DPS Officer-in-Charge Kenneth Amurao ang tumanggap ng plake ng pagkilala kay Atty. Michael Drake Matias, ang regional director ng Environment Management Bureau (EMB) ng DENR.

Ipinagkaloob ng DENR ang naturang parangal sa Lungsod ng Maynila dahil sa pagsisikap nitong gawing kapaki-pakinabang ang mga election paraphernalia sa nagdaang halalan sa pamamagitan ng paggawa ng mga eco bags, pamaypay, fertilizer at iba pa sa ilalim ng proyektong “Tarpaulin mo, Ireresiklo ko”.

Bukod sa naturang proyekto, nagkaloob din ng DPS ng proyektong pangkabuhayan sa pamamagitan ng upcycling ng mga straw, plastic wrappers, mga lumang magazine, papel at iba pa na kanilang ginawang kapaki-pakinabang.

Sa naturang summit, pinagkalooban din ang Lungsod ng Maynila ng sertipiko ng pagkilala ng DENR dahil sa matatag na pangakong ipatupad ang batas sa ilalim ng R.A.9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at ang pagsisikap na maipagkaloob ang malinis at malusog na kapaligiran para sa lahat ng kanyang nasasakupan.

AUTHOR PROFILE