Default Thumbnail

Cardiologist dedo sa pamamaril sa QC

July 16, 2022 Melnie Ragasa-limena 356 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang 56-anyos na cardiologist ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sinasabing nakasakay sa mountain bike na may carrier box ng FoodPanda sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Velentine Garcia Yabes, 56, walang asawa, Doctor of Medicine, cardiologist, at residente ng P. Garcia St., AFPOVAI, Taguig City.

Sa report ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:00 ng gabi ng Hulyo 15 nang maganap ang insidente sa harapan ng Sct. Castor St., Bgy. Laging Handa, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina PEMS Jimmy Sanyuran Jr. at PSSg. Remie Villareal, magsasara na sana umano ang isang stay-in na maintenance ng Laser Medical Clinic, sa Bgy. Laging Handa, nang makarinig siya ng putok ng baril.

Nang alamin nito ang pinanggalingan nang putok ng baril ay nakita niya ang duguang nakahandusay na biktima kaya humingi siya ng saklolo sa mga opisyal ng Bgy. Laging Handa upang ireport sa mga awtotidad ang insidente.

Agad namang nagresponde ang hepe ng PS 10 na si P/Lt. Col. Elizabeth D. Jasmin at si P/Lt. Ronald Tagara, PCP-2 Commander kasama ang apat na pulis.

Sa pagtatanong sa mga nakasaksi sa krimen, ang nakatakas na suspek ay nakasuot ng kulay pulang long sleeves na nakasakay sa mountain bike na may nakalagay na box at disenyo ng FoodPanda logo.

Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng nasabing krimen at inaalam pa kung nagtatrabaho umano sa FoodPanda food delivery service ang salarin.