Medina

Suspects sa ‘scam’ tiklo ng QCPD

July 15, 2022 People's Tonight 640 views

ARESTADO ang tatlo katao sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District kamakailan kaugnay sa reklamo ng investment scam.

Sa operasyong inilatag ni CIDU chief PLTCol Mark Julio Abong, nasakote ang mga suspek dakong 8:30 p.m. noong Hulyo 1.

Arestado sina Glazen, 25, at Adrian, 25, kapwa taga Navotas at Michael, 27, taga Maynila.

Sa ulat ni Abong kay QCPD District Director Remus Medina, mabilis na naiplano ang operasyon matapos na maghain ng kaniyang sinumpaang salaysay sa CIDU sa nabanggit na petsa ang binibiktima umano na si Vicente Homer Revil, 50, abogado at residente ng 59 Guatemala Street, Loyala Grand Villas, Malanday Marikina City.

Batay sa reklamo ng biktima, nagpanggap umano na mga importer ng frozen meat at may fishpond pa umano ang mga suspek na kumukuha ng investment.

Sa operasyong pinangunahan ni PEMS Romel Merino, OIC General Assignment Section, huli sa akto ang tatlong suspek sa loob ng itim na Mitsubishi Mirage na may plakang NFQ 2511 sa kahabaan ng Maginhawa St. Barangay Teacher’s Village, Quezon City.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang hand grenade, isang kalibre .38 revolver na walang serial number at may anin na bala, dalawang tig-isanlibong perang papel kasama ang marked at boodle money, pasaporte, mga ID at atm.

Ang mga suspek ay isinailalim muna sa routine physical examination sa Quirino Memorial Medical Center bago sinampahan ng kaukulang mga kaso sa piskalya.

AUTHOR PROFILE