Loyzaga

DENR magtatayo ng marine research hub sa Cagayan

February 23, 2024 Cory Martinez 72 views

UPANG mapaigting ang pagprotekta at pag-iingat sa ating mga yaman-dagat, magtatayo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng scientific marine research hub sa isang munisipalidad ng Cagayan.

Sa kanyang pagbisita sa rehiyon, humingi ng suporta si DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga mula sa local na pamahalaan ng munisipalidad ng Sta. Ana at ibang stakeholders na pangalagaan ang mga yamang dagat na kung saan itatayo sa kanilang munisipalidad ang naturang pasilidad.

Ang Sta. Ana ang isa sa anim na project sites na tinukoy ng DENR-Biodiversity Management Bureau (EMB) na pagtatayuan ng naturang pasilidad na may layon na paigtingin ang mga stratehiya sa ocean science at resource management and development ng mga karagatan sa buong bansa.

Sa naturang munisipalidad makikita ang sikat na Palaui Island Protected Landscape and Seascape.

Ayon pa kay Loyzaga, magsisilbing sentinel ang Sta. Ana, Cagayan sa malayong bahagi ng norte na kinasasakupan ng Northern Philippine Sea marine biogeographic region.

Ang naturang rehiyon, ani Loyzaga, ay isang magandang isla na may malawak na lupain at may iba’t-ibang uri ng flora at fauna.

Dagdag pa ni Loyzaga na ang mga corals na matatagpuan sa hilagang bahagi ng bansa ay matatag sa climate change base sa ginawang scientific research ng University of the Philippines – Marine Science Institute (UPMSI).

“Napaka-halaga ng proyektong ito kaya’t kami ay makikipag-ugnayan sa UPMSI upang makagawa pa ng ibang pag-aaral na katuwang ang komunidad. At layon din namin na ito ay maging sentro ng edukasyon upang malaman kung bakit kailangan natin protektahan ang lugar,” paliwanag ni Loyzaga.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR Region 2 kay Loyzaga sa pagpili sa kanilang rehiyon bilang isa sa mga recipient ng naturang proyekto.

AUTHOR PROFILE