Dennis Dennis Padilla with Angelica Jones in When Magic Hurts

Dennis, wish maihatid si Julia sa altar ’pag ikinasal kay Gerald

February 25, 2024 Vinia Vivar 104 views

JuliaHindi maitago ni Dennis Padilla ang labis na kasiyahan habang ikinukwento sa entertainment press ang pagte-text sa kanya ng anak na si Julia Barretto noong kaarawan niya last Feb. 9.

Dumalo ang aktor sa grand mediacon ng romantic-comedy film na When Magic Hurts starring Beaver Magtalas and Mutya Orquia last Saturday at dito ay naitanong nga sa kanya ang tungkol sa pagkakaayos nila ni Julia.

Ayon kay Dennis, gulat na gulat siya nang mag-text sa kanya si Julia noong birthday niya.

“Gabi na nun’g ma-receive ko ‘yung text. Nu’ng una nga, hindi ko alam, sabi ko, ‘number pa pala niya ‘to,’’ kwento niya.

Talaga umanong hindi niya ito ini-expect dahil ilang taon na nga siyang hindi kinakausap ng aktres pati na rin ang iba pa niyang anak kay Marjorie Barretto na sina Claudia at Leon.

Maikli lang umaon ang mensahe sa kanya ng anak at sumagot naman siya ng short message rin.

“Tapos, ‘yung short message ko, ang isinagot niya sa akin, ano lang, icon ng heart. So ang isinagot ko, heart din,” proud niya pang kwento.

Aminado si Dennis na napaiyak siya nang ma-receive ang text message ng anak.

“Actually, hindi ko alam, bigla na lang tumulo ‘yung luha ko,” sambit niya.

Natanong nga rin ang aktor kung sa tingin ba niya ay okay lang kay Julia na isapubliko niya ang pangyayaring ito.

Ayon sa aktor, “Tinatanong ko rin sa sarili ko kung dapat ba na sabihin ko sa mga press na nag-text siya. Sabi ko, hindi ko alam kung tama, pero ‘yun ang nararamdaman ko na okay naman na malaman ng tao na nag-text na siya sa akin, proud lang ako.”

Umaasa si Dennis na ito na ang simula ng tuluyang pagkakaayos nila ni Julia, at sana nga ay sumunod na rin sina Claudia at Leon.

“I think I should talk to her (Julia) more privately kasi hindi ko alam kung ‘yung mga numbers nila, existing pa,” he said.

Sey pa niya, ang birthday greetings nga ni Julia ang pinakamagandang regalo na natanggap niya noong kanyang kaarawan.

“Siyempre masaya at masarap sa pakiramdam. I hope tuloy-tuloy na aming communication and I’m thankful na nabati niya ako noong birthday ko. I hope mabati na niya ako in every special occasion,” pahayag niya.

Natanong din sa aktor ang tungkol sa balitang malapit nang magpakasal si Julia at ang boyfriend nito na si Gerald Anderson.

Aniya, kung siya ang tatanungin ay mas gusto niya na huwag munang mag-asawa ang anak pero aminado naman siya na gusto na rin niyang magkaroon ng apo.

Sinabi rin ni Dennis na if ever na ikakasal na sina Julia and Gerald, gusto niyang siya ang maghatid sa altar sa anak pero okay lang kung hindi basta’t payagan lang siyang makadalo.

Samantala, masaya ngayon ang aktor na maganda ang career niya’t sunud-sunod ang proyekto niya kabilang na nga itong When Magic Hurts.

Excited umano si Dennis dahil first time niyang makatrabaho ang dating hipag na si Claudine Barretto at happy din siya dahil maganda pa ang kanyang role sa pelikula.

Showing soon in cinemas, kasama rin sa When Magic Hurts sina Angelica Jones, Maxine Trinidad, Soliman Cruz at marami pang iba mula sa direksyon ni Gabby Ramos.

AUTHOR PROFILE