Default Thumbnail

Day One ng tigil pasada di nagwagi sa Maynila

March 6, 2023 Jonjon Reyes 513 views

HINDI naging matagumpay ang inakalang “mapaparalisa” ang unang araw ng tigil-pasada sa Lungsod ng Maynila ng mga jeepney driver at operator.

Dahil dito, dismayado diumano ang organizer ng “jeepney strike” sa unang araw ng kanilang pagprotesta, Marso 6, 2023.

Sa gitna ng isinagawang tigil-pasada nitong Lunes, nagmobilisa ng “libreng sakay” ang pamunuan ng Manila City Hall, Manila Police District (MPD), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Hindi alintana ng mga regular na komyuter at publiko umano ang epekto ng jeepney strike dulot ng nasabing mga libreng sakay na inilatag sa lungsod.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO) ng Manila Police District, dahil maraming sumuportang sasakyan mula din sa 14 na istasyon ng MPD, kabilang ang ilang mga barangay official, na nakiisa sa pagbibigay ng libreng sakay gamit ang sasakyan ng mga barangay.

Tuloy-tuloy din raw ang kanilang serbisyo publiko bilang pagsunod sa kautusan ni Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan na magbigay ng libreng sakay, Biyernes pa lamang ng nakaraang linggo.

Dahil dito, araw pa lang ng Sabado ay agad nang tumalima si MPD Director Police Brigadier General Andre P. Dizon, sa direktiba ng alkalde at pagtutulungan ng 14 na police stations sa paggamit ng mga vehicle assets nito sa libreng sakay.

Inutos rin ni Mayor Lacuna-Pangan na mag-shift sa online classes muna ang mga pampublikong paaralan upang makaiwas sa posibleng abala sa jeepney strike.

Malaki naman ang pasasalamat ni Mayor Honey at Dizon na hindi lubos naapektuhan ang lungsod sa unang araw ng tigil-pasada ng mga dyip.

AUTHOR PROFILE