Default Thumbnail

Mayor Honey sa mga welgista:’Wag manggulo

March 6, 2023 Edd Reyes 160 views

BINALAAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga nagbabalak na manggugulo at magsasamantala sa isinagawang tigil-pasada ng ilang grupo ng pampublikong transportasyon na huwag ng gawin ito dahil buo ang puwersa ng kapulisan na aalalay sa mga stranded na pasahero at magbabantay sa mga kaganapan.

Isinagawa ng alkalde ang pagbabanta nang personal niyang pangasiwaan ang deployment ng mahigit 30 sasakyan na magkakaloob ng libreng sakay sa mga mai-stranded na pasahero Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan, kasama sina Manila Police District (MPD) Director P/Brigadier Gen. Andre Dizon, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) adviser Dennis Viaje, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Arnel Angeles at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang mga nagboluntaryong mga tsuper at kawani ng city hall sa inilunsad ng pamahalaang lungsod na “Libreng Sakay,” hindi lamang para sa mamamayan ng Lungsod ng Maynila, kundi sa mga pasahero mula sa karatig lungsod na nagtatrabaho sa Maynila.

“Salamat at kayo ay naging bahagi ng pagbibigay ng libreng sakay para sa ating mga kababayan. Ito’y gagawin natin ng isang buong linggo pero siyempre depende po kung matutuloy o hindi na ang jeepney strike sa mga susunod na araw,” pahayag ng alkalde sa mga naging katuwang sa Libreng Sakay program.

“Sana mapanatili natin ang kaayusan, huwag po kayong makikipag-away sa mga pilit na pumipigil sa inyo na magbigay ng libreng sakay. Pasensiya po ang kailangan natin dito at pang-unawa. Siyempre baka mag-unahan po yung mga gustong sumakay dahil papasok sa kanilang trabaho pero habaan po natin ang pasensiya natin,” dagdag na paalala pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

Bilang gabay sa mga mananakay na maaapektuhan ng tigil-pasada, isinapublikong muli ng Manila Public Information Office (MPIO) sa pamamagitan ng hepe nito na si Atty. Princess Abante ang dadaanang ruta ng mga sasakyan na magkakaloob ng libreng sakay.

Kabilang dito ang Vito Cruz via Taft Avenue hanggang Quezon Boulevard; España Boulevard hanggang Welcome Rotonda; Abad Santos Avenue mula C.M. Recto hanggang R. Papa Rizal Avenue; UN Taft Avenue hanggang R. Papa via Rizal Avenue; Recto Avenue hanggang SM Sta. Mesa via R.M. Boulevard; UN Taft Avenue hanggang P. Ocampo St; Monumento Rizal Avenue hanggang Divisoria; Buendia Taft Avenue hanggang Divisoria; Buendia Taft Avenue hanggang Monumento via Rizal Avenue at Buendia Taft Avenue hanggang Welcome Rotonda.

Bukod naman sa mga pangunahing lansangan, nagkaloob din ng libreng sakay sa mga secondary roads ang mga electronic vehicles o e-trikes na naipamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga kuwalipikadong tricycle drivers.

AUTHOR PROFILE