Default Thumbnail

Akusado sa ‘sexual assault’ tiklo sa Malabon

March 6, 2023 Edd Reyes 237 views

NAGWAKAS ang halos apat na taong pagtatago sa batas ng isang construction worker na akusado sa pagmomolestiya umano matapos ang ginawang pagtugis ng pulisya sa mga wanted na personalidad, Linggo ng gabi sa Malabon City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro ang pagtugis sa mga tinaguriang “most wanted persons” (MWPs) batay na rin sa programang S.A.F.E. NCRPO ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagresulta sa pagkakadakip sa 53-anyos na suspek, nang dumalaw sa kanyang mga kaanak sa Barangay Catmon matapos mamirmihan sa Bgy. Piñabatan, Pulilan Bulacan, nang sampahan ng kasong “sexual assault” noong taong 2019.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Brigadier Gen. Ponce Rogelio I. Peñones Jr., sinabi ni Daro na nasukol ng kanyang mga tauhang nakatalaga sa Station Intelligence Section sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Jonas Gato ang suspek dakong alas-9 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon na nasa Bgy. Catmon ang akusado.

Hindi na nakapalag ang suspek nang isilbi ni P/SSgt. Rodelio Reganit ang warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 1, 2019 ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Assisting Judge Abigail Domingo-Laylo ng Branch 73 sa kasong sexual assault na may katumbas na piyansang P180,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sinabi naman ni P/SMSgt. Christopher Rodriguez, may hawak ng kaso, na pansamantalang nakapiit sa Custodial Facility ng Malabon Police ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman.

AUTHOR PROFILE