Default Thumbnail

Davao del Sur nakakuha ng halos P8M tulong-pangkabuhayan mula sa DOLE

February 4, 2022 People's Tonight 340 views

NAKAKUHA ng halos P8 milyong tulong-pangkabuhayan ang lalawigan ng Davao del Sur mula sa labor department.

Sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), 50 benepisaryo na kabilang sa Kiblawan Small Farmers Association ang tumanggap ng tulong-pinansiyal na nagkakahalaga ng P300,000 para sa kanilang rice and veterinary supplies retailing station project. Ang DILP ay isa sa mga pangunahing programa ng DOLE na nagbibigay ng oportunidad pang-ekonomiya sa mga marginalized na manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay tulong na magkaroon ng kakayahang makapag-negosyo, para sa kanilang indibidwal o grupong gawain.

Nakatanggap din ang lokal na pamahalaan ng Digos City at Magsaysay ng P1,754,280 at P299,800, ayon sa pagkakasunod, para sa implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD) sa lalawigan. Ang TUPAD ay isang community-based package assistance na nagbibigay ng emergency employment para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, underemployed at seasonal na manggagawa, na hindi bababa ng 10 araw, ngunit hindi hihigit ng 30 araw, depende sa uri ng trabahong gagampanan.

Tumanggap din ang Free Planters Cooperative ng P5,575,680 para sa implementasyon ng Government Internship Program sa lalawigan, kung saan umabot sa kabuuang P7.929 milyon ang tulong-pangkabuhayan na iginawad sa lalawigan. Nilalayon ng GIP na magbigay ng pagkakataon para sa mga kabataang manggagawa na magkaroon ng kasanayan sa larangan ng serbisyo-publiko at nang mahimok sila na ituloy ang kanilang propesyon na maglingkod sa pamahalaan.

“Determinado ang regional office na makapaghatid ng mas maraming tulong, lalo na sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pangkabuhayan at trabaho. Nais din namin na higit pang pagbutihin at paghusayin ang paghahatid ng mga programa at serbisyo upang lalong masuportahan ang mas maraming manggagawa ngayong panahon ng mga pagsubok,” pahayag ni DOLE XI OIC-Regional Director Atty. Randolf C. Pensoy.

AUTHOR PROFILE