Alden

Dating ‘PBB’ housemate at skin care exec, panay ang chat kay Alden

February 6, 2023 Vinia Vivar 435 views

Kinikilig na inanunsyo ng Brilliant Skin Essentials, Inc. executive na si Miss Glenda na ang ultimate crush niyang si Alden Richards ang isa sa special guests niya sa #Pinakamakinang comeback concert niya na gaganapin ngayong Feb. 7 sa Smart Araneta Coliseum.

Ayon kay Miss Glenda sa grand mediacon na ginanap last Sunday para sa nasabing concert, talagang kinarir niya na mai-guest si Alden bilang fan na fan nga siya ng Kapuso actor.

“Grabe ‘yorn, talagang Hello, Love, Goodbye pa lang, sinusundan ko na si Alden. Tapos, basta… mahal ko lang siya,” sey ni Miss Glenda sabay-tawa.

“Hindi, sobrang fan talaga ako ni Alden ever since. Fan kasi ako ng AlDub (loveteam nina Alden at Maine Mendoza), pinapanood ko talaga sila. Napanood ko kung paano sila nagkita, ganyan.

“Tapos parang finollow ko na sya, palagi ko siyang tinitingnan,” kwento ng businesswoman at former Pinoy Big Brother (PBB) housemate.

Hindi lang daw ang kaguwapuhan ni Alden ang nagustuhan niya sa aktor kundi ang mabuting puso nito.

“Nabalitaan ko na sobrang mabait din siya. ‘Yun ‘yung una ko talagang tinitingnan, ‘yung quality ng puso mo,” sambit niya.

Kinulit daw niya ang manager ni Alden para mag-guest sa #Pinakamakinang concert and good thing ay pumayag naman ang aktor.

Kwento pa niya, lagi niyang mine-message si Alden sa chat na hindi niya alam kung nababasa nito.

“Palagi ko siyang tsina-chat. Palagi. ‘Pag birthday niya, o kaya ‘pag gusto ko lang siyang i-message. Kahit ‘di niya nababasa. Kahit ‘di niya ako nare-reply-yan, ime-message ko lang siya. Kasi nga, fan niya ako, eh,” she said.

Makakasama rin ni Miss Glenda sa concert ang iba pang makikinang na performers tulad nina Jona, Morisette, Adie, Mayonnaise, Kamikaze, mga drag queen at si Bamboo.

Of course, kasama rin sa concert ang kanyang mga ambassador ng Brilliant Skin na sina Seth Fedelin, Zeinab Harake, Jillian Ward at Andrea Brillantes.

Kabilang din sa special guests sina Korina Sanchez at Senator Raffy Tulfo.

Magsisilbi namang hosts si Rabiya Mateo at ang mga komedyanteng sina MC at Lassy at si Sam YG.

Ang #Pinakamakinang ay comeback concert ng Brilliant Skin Essentials, Inc. matapos ang ilang taon. Ang huling concert na ginawa nila ay noong 2019.

At take note, ang nasabing concert ay libre bilang pasasalamat na rin daw ng kumpanya sa kanilang loyal users, friends, resellers, distributors at franchisees para sa kanilang suporta sa lumalaking pamilya ng Brilliant Skin Essentials.

Bukod sa mga pasabog na performances, magpapa-raffle din si Miss Glenda sa mga nanood ng concert ng 10 Yamaha motorcycles, two brand new cars at marami pang iba bilang regalo niya sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Feb. 14.

AUTHOR PROFILE