Default Thumbnail

Dapat lang na handa ang DOH

December 7, 2021 Paul M. Gutierrez 254 views

PaulINANUNSIYO ng Department of Health (DOH) na handa na umano ang health care system sa bansa kung sakaling makapasok ang Omicron variant at magkaroon ng panibagong surge o pagtaas ng mga kaso nito.

Ayon kay DOH Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, alam umano nila ang gagawin kung sakaling dumating na sa bansa ang pinapangambahan ngayon na Omicron variant ng COVID-19.

Sa ganang atin mga kababayan ay dapat lang na may natutunan na ang DOH sa karanasan natin ngayong pandemya at tingin natin na mas maalam na ngayon ang mga ospital sakaling dumating na nga ang pinangangambahan na Omicron variant.

Nauunawaan natin na naging bago sa atin ang pandemya lalo na ang ating mga ospital kaya nangapa ang lahat kung ano ang mangyayari at paano ang gagawin.

Sadyang ginulat tayong lahat at ang kawalang kahandaan natin sa pandemya ang nagbigay ng bigat sa gawain ng ating health care system. Maliban sa noon pa man ay alam na natin ang nakakaawang kalagayan ng ating mga public hospitals.

Sa ngayon, inaasahan natin na mas magiging handa at may wastong kaalaman na sa sistema ng paghawak ng mga kaso ng COVID-19 sa mga ospital mapa-pribado man o sa publiko. Kaya nasasabi ng DOH ngayon na handa sila kung sakaling dumating na nga ang Omicron variant.

Gaya nang naging paghahanda sa pagdating ng Delta variant na lubhang nakakahawa din ayon sa mga pag-aaral, ay nagawang makontrol at malimitahan ang masamang epekto nito sa bansa.

Dagdag pa dito ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng nagpopositibo sa COVID-19.

Hindi na tumataas sa isang libo ang mga naitatalang bagong kaso sa loob halos ng dalawang linggo.

Dahil dito nasa minimal risk na lamang ang bansa pagdating sa COVID-19. Ibig sabihin kahit paano ay nakahinga na ang ating mga magigiting na frontliners na talaga namang tunay na bayani ngayong panahon na ito.

Bakunado na rin ang ating mga frontliners laban sa COVID-19 na mas higit na nagbibigay proteksyon ngayon sa kanila at nagpapadali sa paggampan ng kanilang mga trabaho.

Hindi katulad noong nakaraang taon na maraming nagbuwis ng buhay sa kanila sa pagharap sa pandemya.

Kaya naman hindi lamang sa nagtitiwala tayo kundi naniniwala tayo na kayang harapin ng DOH kung sakaling dumating na sa bansa ang Omicron variant sa mga dahilang ito.

Pero syempre hindi ibig sabihin nito ang pagiging kampante pa rin natin sa sitwasyon. Kailangan pa rin nating mag-ingat at masunod ang mga minimum health protocols kahit saan. Ang pag-iingat pa rin sa sarili ang mahalaga sa huli.

Sa ngayon, habang patuloy pa ring inaaral ang tunay na katangian ng Omicron variant na ito ay mahalagang unti-unti nating maibalik ang sigla ng buhay na mayroon tayo dati.

Huwag nating hayaang manaig muli sa atin ang takot at malimitahan muli ang ating mga sarili. Ang mahalaga nag-iingat pa rin tayo at naghahanda sa anumang maaaring maging banta ng Omicron variant.

At tulad ng DOH, tayo man ay marami na ring natutunan sa mahigit isang taon natin sa pandemya.

Isa na rito na higit tayo sa virus na ito at kaya nating kumilos sa kabila ng presensya ng COVID-19.

Lalo na ngayon na patuloy ang pagbabakuna sa ating populasyon at patuloy ang mga dalubhasa sa pag-aaral kung paano masusugpo ang perwisyong sakit na ito.

AUTHOR PROFILE