Marlon

Dapat gawin sa eskuwelahan ang Comelec registration

February 22, 2024 Marlon Purification 103 views

BUKOD sa Commission on Elections (Comelec), panawagan na rin natin ito sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Nadaanan kasi natin kamakailan ang mahabang pila ng mga nagpaparehistro sa Comelec sa Ayala Malls South Park para sa mga residente ng Muntinlupa City.

Muling ni-resume ng Comelec ang pagbukas ng voters registration nitong Pebrero 12 at magtatapos sa Septembre ng kasalukuyang taon.

Nakatutuwang pagmasdan ang pila ng mga kabataan para sa pagpaparehistro na magiging daan upang magamit nila ang karapatang bumoto sa nalalapit na May 2025 midterm elections.

Pero may suhestiyon po tayo sa Comelec, DepEd at CHED.

Mas maganda po sanang umpisahan sa mga eskuwelahan, pamantasan at unibersidad ang pagtanggap ng Comelec registration upang higit na mapadali ang lahat ng transaksiyon.

Napansin kasi natin sa Ayala Malls South Park na medyo wala są hulog ang sistema ng Comelec sa Muntinlupa.

Huwag mgatampo ang mga namamahala sa Comelec Muntinlupa pero malabo talaga ang sistema na ipinaiiral nila doon.

Una, hindi malinaw na wala są 4th floor o mismong Comelec office ng Muntinlupa City ang kuhaan ng form.

Mula 4th floor, lahat ng aplikante ay pabababain sa ground floor para lamang kumuha ng ‘application form.’

Ibig sabihin, doon pa lang ay akyat panaog na ang mga Comelec registrants.

Sa ground floor ay may napakahabang pila na ang ibibigay ay numero na sa bandang huli ay hindi naman magagamit. Kuwento mismo ito nakaranas sa malasadong sistema ng Comelec Muntinlupa City.

Pagkakuha ng numero, pipila na naman sila para sa inaasam na Comelec registration form.

Pagkakuha ng registration form, pipila na naman sila para i-submit ito sa Comelec staff na nakaantabay sa ‘food court’ o ‘food choices’ ng naturang mall.

Pagka-submit, mag-aantay sila ng kulang isang oras saka papaakyatin sa 4th floor at doon ay may mahabang pila uli, bagaman iyong iba ay pinapaupo naman.

Pagdating sa mismong Comelec office, doon na sila iisa-isahing papasukin para kunan ng picture at iyong numero na kinuha nila sa ground floor na pumila ng napakahaba ay hindi naman talaga nagamit.

In fairness, mababait ang mga staff ng Comelec Muntinlupa City. Talagang may nakikita lang tayong mali sa kanilang sistema.

Mabuti na lang at nasa loob ng mall ang pagpaparehistro dahil kahit papano ay naka-aircon ang mga aplikante. Paano pa kaya iyong ibang Comelec office na walang opisina sa mall?

Kaya sigla kong nasabi na bakit nga ba pinapahirapan pa ang mga kabataan na pumila sa Comelec office kung puwede namang gawin ito sa iba’t ibang eskuwehan o unibersidad.

Sa ganitong paraan ay mapapadali ang sistema at maiiwas pa sa paglalakwatsa ang ibang kabataan.

Para iyong ibang Comelec transactions naman ay magampanan sa kani-kanilang local offices mismo.

Sana ikonsidera ito ng kinauukulan.