Paul Gutierez

Inaasam na hustisya natatanaw na!

February 22, 2024 Paul M. Gutierrez 116 views

NAGSIMULA nang gumulong ang hustisya para sa mga biktima ng oil spill mula sa barkong M/T Princess Empress na lumubog sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro isang taon na ang nakalipas.

Saludo tayo sa Department of Justice (DOJ) sa pamumuno ni Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, na nagrekomenda ng pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa kumpanya at mga indibidwal na responsable sa naturang pagtagas ng langis.

Bagama’t isang taon ang nakalipas bago nasampahan ng kaso, naniniwala tayo na malakas ang magiging kaso at mananagot ang mga may-sala tungo sa inaasam na hustisya.

Ito ang laging paalala ni Bosman Boying na hindi kailangan na madaliin ang pagsasampa ng kaso kung mahina naman ang mga ebidensiya at argumento, na posibleng ibasura lamang ng korte.

Sa insidenteng ito, malinaw na hindi minadali, dahil isang taon na nga mula nang maganap ang insidente noong Pebrero 28, 2023 sa Naujan, Oriental Mindoro, kaya siguradong tiniyak ng piskalya na matibay ang isinampa nilang kaso.

Isinampa ang kaso sa pangunguna ng NBI-Environmental Crime Division at Mayor Jennifer Cruz ng Pola, Oriental Mindoro. Umaasa ang alkalde na magbabayad ang may-ari ng barko upang makatulong sa kanilang pagbangon dahil bilyong piso aniya ang nawala sa ekonomiya ng kanilang bayan.

Kabuhayan mismo ng mga tao ang apektado na karamihan ay umaasa sa karagatan. Mismong kalikasan ay nasalanta sanhi ng oil spill, na kumalat sa mga karatig lalawigan ng Batangas, Antique at Palawan.

Dahil pagsusulong ng hustisya ang pangunahing adhikain ni Secretary Boying, natitiyak natin na makakamit ito ng mga taga-Mindoro at iba pang naapektuhan, sa lalong madaling panahon.

Kaya hindi tayo nagulat na pumangatlo si Bosman sa mga miyembro ng Gabinete sa nakaraang “Boses ng Bayan” Annual Cabinet Officials Performance Report 2023 dahil sa kanyang dedikasyon na maihatid ang hustisya nang pantay-pantay sa bawat Pilipino.

At nito lamang Pebrero 16, muling tumanggap ng parangal si Secretary Boying nang kilalanin siya bilang “Asia’s Outstanding Leader in Public Service” ng award-giving body na Asia’s Influential Leader Awards (AILA) dahil sa kanyang pambihirang liderato.

Nakatitiyak tayo na ang mga pagkilala at parangal na ito ay magsisilbing inspirasyon kay Bosman Boying upang higit pang pag-ibayuhin ang kanyang trabaho.

Makakaasa ang mga katulad nina Mayor Cruz, mga taga-Mindoro at iba pang biktima, na makakamit ang inaasam na hustisya.

AUTHOR PROFILE