Default Thumbnail

Dalaga natagpuang patay, bumubula ang bibig

March 21, 2023 Edd Reyes 415 views

BUMUBULA ang bibig at wala ng senyales ng buhay nang matagpuan ng kanyang kapatid ang 18-anyos na dalaga sa loob ng kanyang silid Lunes ng hapon sa Navotas City.

Sa ulat na ipinarating ni Capt. Gregorio Cueto, duty desk officer kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, dakong alas-12 ng tanghali nang katukin ng nakatatanda niyang kapatid na babae ang silid ng biktima upang kumain ng tanghalian subalit hindi sumagot ang dalaga.

Nang hindi pa rin lumabas ng silid ang dalaga, ipinasiya na ng kanyang kapatid na kunin ang duplikadong susi ng silid dakong ala-1:30 ng hapon at nang buksan, nagulat siya nang makitang bumubula ang bibig ng biktima na nakahiga sa kanyang kama.

Kaagad na isinugod ang biktima ng kanyang ama at kapatid sa Navotas City Hospital subalit idineklarang patay na nang idating sa pagamutan.

Hiniling naman ng mga magulang ng dalaga na isailalim sa autopsy examination ang anak na dalaga upang alamin ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay lalo na’t wala namang nakitang mga sugat o anumang palatandaan ng karahasan sa kanyang katawan.

Sa ulat naman ni P/SSgt. Allan Bangayan, may hawak ng kaso, dakong alas-7:25 ng gabi nang matanggap nila ang tawag ng security guard ng naturang pagamutan hinggil sa umano’y ginawang “pagpapakamatay” ng biktima kaya’t nagsagawa sila ng imbestigasyon upang alamin ang dahilan ng umano’y pagpapatiwakal.

AUTHOR PROFILE