Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo inilunsad ‘Kalinga sa Maynila’ PESO Job Fair

March 21, 2023 Edd Reyes 280 views

TINATAYANG aabot sa 3,000 bakanteng trabaho ang naghihintay sa mga Manilenyo sa isasagawang “Kalinga sa Maynila” PESO Job Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila Miyerkules ng umaga sa Distrito ng Tondo.

Pangungunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang inilunsad na job fair sa pamamagitang ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Director Fernan Bermejo na isasagawa Patricia Sports Complex sa Barangay 177, Tondo.

Ayon sa hepe ng Manila Public Information Office (MPIO) at siya ring tagapagsalita ni Mayor Lacuna-Pangan na si Atty. Princess Abante, kasabay ng pagsasagawa ng job fair ang muling pagbababa ng mga serbisyo ng Manila City Hall patungo sa komunidad sa pamamagitan ng programang “Kalinga sa Maynila, Pulong-pulong sa Pagtulong” na magsisimula ng alas-8 ng umaga.

Sa naturang programa puwedeng maka-ugnayan ng mga mamamayan ang alkalde at maging ng mga hepe ng iba’t-ibang departamento upang ipaabot ang kanilang katanungan at mga alalahanin na hindi na kailangan pa nilang magtungo sa City Hall upang malaman ang katugunan.

Makakasama ng alkalde at bise alkalde sa gaganaping Kalinga sa Maynila ang mga hepe ng mga tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Public Services-Manila, Department of Engineering and Public Works Manila, Manila Police District, Manila Barangay Bureau, Manila Civil Registry Office, City Legal Office Manila, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, Office of the Senior Citizens Affairs, PESO, at Veterinary Inspection Board ang maghahatid ng kanilang mga serbisyo sa mga nangangailangan.

Bukod pa ito sa ipagkakaloob ni Mayor Lacuna-Pangan na libreng medical consultation at libreng gamot sa mga senior citizen.

Sa mga naghahangad namang makahanap ng trabaho, kabilang sa mga inilabas na tagubilin ng PESO ang pagsusuot ng kaswal na damit, pagdadala ng sariling panulat, at sampung kopya ng kanilang résumé.

AUTHOR PROFILE