Default Thumbnail

6 sunod-sunod na sunog naitala sa Maynila

March 21, 2023 Jonjon Reyes 254 views

ANIM na magkakasunod na sunog ang naitala sa magkakahiwalay na lugar sa Lungsod ng Maynila sa ikalawang linggo ng “Fire Prevention Month,” ngayong Marso, iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Unang naiulat ang sunog sa isang bahagi ng Onyx Street, Sta. Ana sa San Andres Bukid na kung saan nagkaroon ng tensiyon makaraang agawin ng ilang mga residente ang hose ng mga tauhan ng fire volunteer kung saan nagresulta sa mabagal na pag-apula ng apoy, Linggo ng gabi (Marso 19).

Ang sumunod, naiulat nitong Lunes ng hapon, bandang 12:45 p.m. sa panulukan naman ng Tayuman at Almeda Sts. sa boundary ng Sta. Cruz at Tondo kung saan ay may tatlong alagang aso umano ang natupok ng apoy.

Martes ng umaga, nang tupukin din ng apoy ang isang pagawaan ng mga bote ng San Miguel Corporation sa Delpan Tondo, Maynila bandang 6:00 ng umaga.

Umabot lamang ito sa unang alarma at dineklarang fire under control 7:52 ng umaga.

Samantala, nasunog din ang isang residential area sa panulukan ng Bambang at Kalimbas Sts. sa Sta. Cruz, Maynila.

Nagsimula ang sunog alas-6:31 ng umaga, Marso 21 na itinaas sa ikalawang alarm at pasado 7 a.m. ng tuluyang naapula ang sunog na nakaapekto sa higit sampung pamilya.

Dalawa din ang naitalang sunog na umabot naman sa unang alarma sa Muñoz St. at San Andres sa Malate, araw din ng Martes.

Ang anim na magkakahiwalay na sunog ay patuloy na iniimbestigahan ng BFP para tukuyin ang pinagmulan ng apoy at kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian.

AUTHOR PROFILE