Default Thumbnail

Mga armas, nakumpiska sa condo ng Taiwanese nat’l sa Makati

March 21, 2023 Edd Reyes 179 views

IBA’T-ibang uri ng mga armas ang nakumpiska ng mga awtoridad sa ginawang pagsalakay sa tinutuluyang condominium unit ng isang Taiwanese national Lunes ng gabi sa Makati City.

Sa ulat na ipinadala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Edgar Alan Okubo, umabot sa kabuuang bilang na 85 piraso ng iba’t-ibang mga armas ang nakuha ng mga awtoridad nang isagawa ang pagsalakay dakong alas-7 ng gabi sa Rockwell Center, Barangay Poblacion Makati City.

Ayon kay Kraft, magkasanib na puwersa ng Anti-Organized Crime Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Weapon and Tactics (SWAT) team at Intelligence Section ng Makati Police Station, mga tauhan ng Poblacion Police Sub-Station at Philippine Drug Enforcement Agency unit ng National Capital Region (PDEA-NCR) ang sumalakay sa naturang unit sa bisa ng dala nilang search warrant na inilabas ni Judge Rico Sebastian D. Liwanag ng Office of the 3rd Vice Executive Judge ng Makati City.

Nakatuon ang paglalabas ng naturang search warrant ng hukuman sa isang Taiwanese national na kinilala sa pangalang Jiang Zhang Xiaodong, alyas “Lu Ming Chung” na wala sa naturang condominium unit nang isagawa ang pagsalakay.

Kabilang naman sa mga nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng pinasok na unit ang 13 piraso ng 5.56 rifles, 12 revolvers, 53 pistola, anim na folding submachine gun, at isang FN P90 5.785 na uri ng armas.

Nag-ugat ang paglalabas ng search warrant ng husgado matapos magpositibo ang impormasyong natanggap ng mga awtoridad hinggil sa pag-iingat ng iba’t-ibang uri ng armas ng dayuhan na ngayon ay tinutugis na ng kapulisan.

AUTHOR PROFILE