Default Thumbnail

Dagdag floating assets ng PCG, idineploy sa oil spill response ops

April 1, 2023 Zaida I. Delos Reyes 180 views

DALAWANG floating assets ang idineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) para tumulong sa oil spill offshore response operations sa “ground zero” ng lumubog na MT Princess Empress.

Ayon sa PCG, ipinadala nila sa Oriental Mindoro ang BRP Corregidor (AE-891) at BRP Habagat (TB-271) para tumulong sa operasyon.

Nauna nang inihayag ng PCG na nagbigay ng technical advice para sa naturang operasyon ang Korean Coast Guard (KCG) Special Response Unit at ang Embahada ng Republic of Korea sa Pilipinas.

Samantala, ang PCG, US (United States) Coast Guard, at International Tanker Owners Polluting Federation Limited (ITOPH) ay nagsagawa ng aerial survey upang mag-inspeksyon sa mga dalampasigan at nagpapatuloy na oil spill response operations.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 172,928 katao ang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Karamihan sa mga naapektuhan ay mula sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), na umaabot sa 138,043 katao.

Sa Calabarzon region (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), naitala naman ang 7,740 katao na naapektuhan at 27,145 naman ang mula sa Western Visayas.