Morocco

Daan dedo sa magnitude 6.8 lindol sa Morocco

September 9, 2023 People's Tonight 2734 views

ISANG malakas na lindol ang tumama sa High Atlas mountains ng Morocco nitong Biyernes na kumitil sa hindi bababang 296 katao habang 153 naman ang nagpapagaling sa ospital dahil sa natamong pinsala.

Opisyal na inirehistro ng United States Geological Survey ang lindol na nangyari noong 10:11 ng gabi, na may lakas na 6.8.

Naramdaman din ang pagyanig, na nagdulot ng pinsala sa mga makasaysayang gusali, sa ilang mga lungsod sa buong Morocco, kasama na ang kabisera nito na Rabat.

Samantala, wala pang naiulat na Pilipinong nasaktan sa nasabing lindol.

Sa isang text message nitong Sabado ng umaga sa PNA, sinabi ni Philippine Ambassador to Morocco Leslie Baja na patuloy na binabantayan ng embahada ang sitwasyon habang dumadating ang mga ulat mula sa mga lokal na awtoridad.

Sinabi naman ng Filipino community leader na si Regina Castillo na hindi pa siya nakatanggap ng mga ulat tungkol sa mga nasaktan na kababayan sa kanyang nasasakupan sa Casablanca.

Sa huling tala nitong taong ito, may hindi bababa sa 4,600 Pilipino ang nagtatrabaho sa Morocco. Philippine News Agency

AUTHOR PROFILE