Default Thumbnail

DA tiniyak P315M para sa Albay agri projects

August 18, 2021 People's Tonight 447 views

LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang suportang pondo para matapos agad ang apat na proyektong pang-agrikultura sa Albay na nagkakahalaga ng P315 milyon sa ilalim ng ‘Intensified Building Up of Infrastructure and Logistics for Development (I-BUILD) program’ nito.

Pinasalamatan at pinuri ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang DA sa suporta nito sa mga proyekto sa Legazpi City at mga bayan ng Manito, Camalig at Daraga na pawang nasa loob ng distrito niya. Panukala ang mga proyekto ng mga naturang LGU na inindorso naman siya at inihanap ng pundo.

Kasama sa mga proyekto ang P35.6-milyong ‘Level 2 Water System’ para sa mga bukid sa Manito, ang P75-milyong ‘trading post’ sa Camalig, ang P55-milyong ‘AA slaughterhouse’ o katayan sa Daraga, at ang P150-milyong pagpapalaki ng ganun ding katayan sa Legazpi na itataas sa kategoryang ‘AAA,’ ang pinakamataas na antas ng ganong pasilidad sa bansa dahil sa ‘biosafety features’ at kakayanan nito.

“Kinakatawan ng mga proyektong ito ang magkaka-ibang sektor ng ‘value chain’ ng agrikultura. Mahahalagang pamumuhunan din ang mga katayan dahil kailangan ang ‘biosafety improvements’ nila lalo na dahil sa bantang panganib na dulot ng ‘African Swine Fever,” ayon kay Salceda.

Pinuri din niya ang DA dahil sa pagtutok nito sa modernisasyon ng agrikultura na magiging dahilan upang mapalaki ng mga magsasaka ang kanilang produksiyon at lalo silang kumita. “Ito ang daan tungo sa pagsulong ng sektor na ito,” dagdag niya.

“Nagpapasalamat kami na ginawang laboratoryo ang Albay ng DA sa mga programa at panuntunan nito. Ang ‘Edible Landscaping sa Barangay Project (ELBP)’ nito sa aking distrito ay itinuturing na pinakamatagumpay na estratehiya sa pagpapataas ng ani sa buong bansa,” paliwanag niya.

Ayon kay Salceda, ginawang prayuridad na lugar din ng DA ang Albay sa pagtatanim ng palay sa ilalim ng ‘Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)’ nito. Bukod dito, tiniyak diumano din ni DA Secretary William Dar ang suporta niya sa muling pagpapalago sa industriya ng pagbababuyan at balangkas ng ‘protein substitution’ sa lalawigan.

“Matutulungan nitong maging estable ang presyo ng mga pagkain sa Albay, lalo na dahil sa napakataas na ang mga presyo nito sa buong Bikol gaya ng isinasaad sa mga ulat at datus ng Philippine Statistics Authority sa nakaraang dalawang buwan,” paliwanag niya.

Binigyang diin ni Salceda na sa “panahon ng kawalang kita, ang pinakahuling gugustuhin ng mga tao ay ang pagtaas ng presyo ng pagkain at kawalang suplay nito, kaya taos pusong nagpapasalamat kami sa DA sa pagtulong nitong maibsan ang gutom sa saklaw ng aking distrito,” madiin niyang pahayag.

AUTHOR PROFILE