Construction worker na humalay sa anak-anakan timbog sa Malabon

July 23, 2021 Edd Reyes 178 views

TINIIS ng isang ginang ang muling pakikipag-relasyon sa lalaking nag-molestiya sa 12-anyos niyang anak sa unang asawa upang matiyak na hindi makakatakas ang suspek sa oras na bumaba ang warrant of arrest na galing sa korte ng Malabon City.

Nagbunga naman ang pagtitiis ng ginang na itinago sa pangalang “Gina” nang maglabas na ng warrant of arrest si Judge Rhoda Magdalene Mapili-Osinada ng Malabon Regional Trial Court Branch 289 laban sa 60-anyos na si Virgilio Manangan, construction worker, na nagresulta sa kanyang pagkakadakip nito lamang Huwbes ng gabi sa Gov. Pascual Ave. Brgy Catmon, Malabon City.

Sa ipinarating na ulat ni P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon ng Warrant and Subpoena Section (WSS) kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, mula sa kanilang lalawigan sa Laguna ay lumipat ng tirahan ang suspek at kalive-in na si Gina, kasama ang biktima, sa Bgy. Catmon noong 2019 makaraang matanggap bilang construction worker si Manangan sa kinukumpuning City of Malabon University sa Bgy. Longos.

Mula buwan ng Marso hanggang Nobyembre noong 2019 ay minomolestiya na umano ni Manangan ang anak-anakan sa tuwing aalis ang kanyang ina hanggang sa magsumbong ang bata na naging dahilan upang masampahan ng kaso ang suspek.

Taong 2020 nang umalis sa poder ni Manangan ang mag-ina at bumalik sa kanilang tirahan sa Laguna upang makaiwas sa suspek subalit muling nagpasiya si Gina na makipag-relasyon sa lalaki upang matiyak na hindi ito makakatakas sa oras na bumaba ang arrest warrant ng korte.

Kaagad namang pinakilos ni P/CMSgt. Gilbert Bansil, hepe ng WSS, ang mga tauhan nang matanggap ang arrest warrant na inisyu nito lamang Hulyo 8, 2021 ng korte at sa tulong ng ina ng biktima, nadakip si Manangan sa loob ng tinutuluyang bahay sa Bgy. Catmon.

AUTHOR PROFILE