Default Thumbnail

Community pantry ni Kier Legaspi

April 26, 2021 Marlon Purification 562 views

TULUY-TULOY ang pagdaloy ng diwa ng bayanihan sa mga Pinoy sa gitna ng matinding laban sa COVID-19 crisis.

Sa impormasyon, nasa mahigit 300 na ang community pantries na itinatayo ng iba’t ibang indibidwal at organisasyon.

Sa mga kilalang personalidad, isa sa pinakahuling nabalitaan nating nagtayo ng community

Itinayo ni Kier kasama ang napakabait, maganda, masipag at matalinong asawa na si Ms. Jen Corpuz-Legaspi ang pantry sa Barangay Calumpang, lungsod ng Marikina upang matulungan hindi lamang ang mga higit na nangangailangan ng mga makakain kundi maging ang mga magsasaka.

Hindi na rin bago kay Kier at sa asawa nito ang pagtulong dahil tuwing may pagkakataon na makakatulong ay agad silang umaayuda.

“Actually ginagawa na namin dati pa kapag may panahon o hinihingi ng panahon, tumutulong kami sa mga kababayan natin. And this time nagkaroon kami ng community pantry dahil gusto namin tulungan naman ang farmers natin pati ang mga industriyang apektado ng pandemya,” pahayag ni Kier.

Tiniyak din ni Kier na nasusunod sa kanilang community pantry ang safety protocols.

Hinihikayat din ni Kier ang iba pang may kakayanan na makiisa sa bayanihan at tumulong sa abot ng kanilang makakaya.

“Sa mga kababayan natin na may kakayanan sa buhay, sana magtulong-tulong tayo lahat dahil ‘pag ginawa po natin ‘yan, I am so sure na walang Pilipinong magugutom,” giit nito.

“At the end of the day, ang importante do what you love, ganun lang kasimple. Do something that you really like at wala kang mararamdamang kahirap hirap o adjustment,” dagdag pa ng aktor.

Matatandaan namang nitong Abril 23, nagtayo rin ng community pantry ang Darna na si Angel Locsin na kilala rin sa kanyang mga pagtulong sa tuwing mayroong kalamidad sa bansa.

Isinabay ng aktres ang pantry sa pagdiriwang nito ng kanyang kaarawan subalit nabahiran ito ng matinding lungkot sa pagpanaw ng senior citizen na si Mang Rolando dela Cruz makaraang mag-collapse sa gitna ng kanyang pagpila.

Agad namang humingi ng paumanhin ang aktres at mabilis ding nagtungo sa pagamutan kung saan isinugod si Mang Rolando kasabay ng pagsagot sa lahat ng gastusin ng pamilya.

“Humihingi po ako ng tawad sa pamilya. At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila. Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali,” pahayag ni Angel.

Bagama’t maraming batikos ang tinamo ni Angel dahil sa insidente, ilang celebrities na rin naman ang nagbigay ng suporta sa aktres.

“You’ve always had nothing but sincere and good intentions every time you have helped those in need. Sending you a big hug Mars. We are all saddened [by] what happened,” pahayag ni Anne Curtis.

Maging sina Vice Ganda, Dimples Romana at Iza Calzado ay nagpaabot din ng mga mensahe ng suporta kay Ange habang iginiit ni Liza Soberano na hindi dapat sisihin ni Locsin ang kanyang sarili sa pangyayari.

“You don’t need to say sorry ate dahil hindi mo naman ginusto ang mga nangyari,” mensahe ni Liza.

“It’s only right and natural for ate Angel to be sorry about the life that was lost. It’s just unfair to me that her intentions were twisted and she’s being blamed for the death that she never intended to happen,” dagdag pa ni Liza.

Hindi naman katulad ng mga bumabatikos ngayon kay Angel, ang mismong pamilya ni Mang Rolando ay hindi nagparamdam ng galit sa aktres bagkus nagpasalamat sa ipinakitang sinseridad ni Angel at pagtulong sa kanila.

Ibig sabihin, marami na ang umeepal at nakikisawsaw sa insidente sa community pantry ni Angel Locsin na iyong iba ay halatang may motibong pulitika at iyong iba naman ay paghihinalaan mong gusto lang ‘perahan’ ang aktres upang tumigil sila sa kakaputak sa social media.