Chairman

Brgy chairman pinatay sa b-day party ng kagawad

May 23, 2024 Edd Reyes 128 views

DEDO ang isang barangay chairman na dumalo sa birthday celebration ng isang kagawad ng pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin noong Miyerkules sa Muntinlupa City.

Hindi na umabot ng buhay sa Asian Hospital si Ronaldo Loresca, ng 47 Manuel L. Quezon St., Brgy. Buli, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Kinondena ni Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino “Ruffy” Biazon ang pamamaslang sa chairman ng Brgy. Buli.

Inutusan ng mayor si Muntinlupa police chief P/Col. Robert Domingo na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat upang matukoy ang salarin at utak sa pagpatay.

Sa isinumiteng ulat ni Col. Domingo kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nakikipag-kuwentuhan ang biktima sa ibang attendees ng pumarada ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki dakong alas-10:16 ng gabi.

Bumaba ang naka-angkas at biglang pinagbabaril ang barangay chairman ng ilang ulit bago nagsikatas patungo sa Sucat, Paranaque City.

Ayon sa 67-anyos na testigo, wala silang alam na kaaway ang kanilang punong barangay dahil bukod sa mabait at mahusay makisama, lahat ng hiling ng kanyang mga nasasakupan ipinagkakaloob naman.

Nakuha ng mga nagrespodeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng SPD Forensic Unit ang apat na basyo ng bala at isang slug mula sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaslang.

AUTHOR PROFILE