Paul Gutierez

Tumpak si Comelec Chair Garcia!

May 23, 2024 Paul M. Gutierrez 101 views

SANG-AYON tayo sa pagsusulong ni Comelec Chairman George Garcia na ipagbawal ang palitan o substitution ng mga kandidato pagkatapos ng deadline ng filing ng certificate of candidacy (COC) para sa 2025 mid-term elections at mga susunod pang halalan.

Marahil ay naniwala rin na makatarungan at makabuluhan ang panukalang ito kaya agad na inaprubahan at sinang-ayunan ito ng Comelec en banc.

Napaka-simple at makatotohanan ang argumento ng mahusay na Comelec Chief sa kanyang pahayag na: “‘Wag na natin pinagbobola ang sambayanan. Dapat kung sino ang kakandidato, harap-harapan na, i-file niyo na ‘yung candidacy niyo. ‘Wag na ‘yung mga kunyari naka-front ka sa ganito, ‘yun pala, ikaw pala ang kakandidato.”

Ang estilo kasi na iba ang “isusubo” para mag-file ng COC, at kalaunan ay papalitan ng kung sino ang totoong nagnanais na tumakbo, ay isang panlilinlang sa mga botante. Kung sa pagsusumite pa lang ng COC ay nagsinungaling na, anu pa kaya kung mahalal at maluklok na posisyon?

Pero, nilinaw ni Chairman Garcia na pinapayagan pa rin naman ang substitution mula una hanggang sa huling araw ng pagsusumite ng COC o mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024. Bukod dito, papayagan din ang substitution sakaling mamatay o ma-disqualify ang kandidato kahit tapos na ang filing ng COC.

Nakasaad din na kailangan ang kwalipikadong pumalit ay may kaparehas na apelyido at kasapi ng kaparehong partido politikal.

Noong nakaraang 2022 elections, pinayagan ang palitan o substitution ng mga kandidato hanggang November 15, 2021, o mahigit isang buwan makalipas ang deadline ng pagsusumite ng COC.

Maliwanag na napaka-fair at patas ang desisyon na ito, at walang sinumang indibidwal o grupo ang pinapaboran dito. Kumbaga, bakit pa ba kailangang ilihim o gawing sorpresa ang pagtakbo kung malinis naman ang hangarin na makapag-lingkod sa bayan?

May mga nagsasabi na may mga kokontra sa hakbang na ito ng Comelec, kaya ang panawagan natin sa ating mga botante ay maging mapanuri sa mga ganitong klase ng kandidato na hindi sang-ayon sa hakbang na ito ng Comelec.

Sa ganang atin, kung hindi sang-ayon ang isang kandidato sa hakbang na ito, marahil ay hindi rin malinis ang hangarin sa pagtakbo at paglilingkod.

Hindi tayo bihasa sa kung saan hahantong ang hakbang na ito ng Comelec, kung ito ba ay pinal na o kung dadaan pa ito sa mga hukuman hanggang Korte Suprema. O kung may magpepetisyon ba para pigilan o ipahinto ang pagpapatupad nito.

Ngunit, naniniwala tayo na dahil malinis ang intensiyon ni Chairman Garcia kaya sinang-ayunan siya ng Comelec en banc, marahil ay wala nang kokontra o kukuwestiyon nito sa mga korte. At kung meron man, tiwala rin tayo na hindi kakatigan ang mga magtatangka na harangin ang hakbang na ito ng Comelec.

Dahil nga sa malinis na hangarin na ito ng Comelec, tiwala rin tayo na magtutuloy-tuloy ang ang magandang adhikain nito tungo sa malinis at mapayapang halalan sa 2025. Mabuhay ka, Chairman Garcia!

AUTHOR PROFILE