Default Thumbnail

Codename: BILLY!

May 13, 2023 Marlon Purification 203 views

Marlon PurificationUMPISA pa lang ay alam ko nang nakatago ang pangalang ito sa isang Codename!

Ito’y upang hindi lumantad ang kanyang pagkakilanlan sa publiko.

Magpagayunpaman, hayaan n’yo akong maging instrumento tayo para makarating ang impormasyong ganito sa pamunuan ng Police Regional Office 4a na kinakaladkad ng isang nagtatago sa alyas na Codename Billy.

Ang PRO4a ang sumasakop sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Alam kong kahit ang magiting na si PRO4a chief Brig. Gen. Carlito Gaces ay hindi papayag kung may isa mang indibiduwal na sisira sa pangalan ng kanilang pamunuan sa Camp Vicente Lim.

Higit lalo ay anim na buwan na lang ay magreretiro na si Gen. Gaces na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1995.

Ayon sa ating impormante, hayagan ang ginagawang pangongolekta ng tongpats, lagay o payola ni Codename Billy sa lahat ng illegal gambling operator sa buong katimugang katagalugan.

Walang patawad si Codename Billy kasi mula malalaking jueteng at illegal STL operators ay kumukuha rin ito maging sa mga sugal lupa na katulad ng bookies, EZ2, perya, tupada, color game, kara y cruz, sakla at marami pang iba.

Pati ang talamak na paihi ng langis ay kinokotongan ni Codename Billy, gayundin ang mga resort sa Laguna at mga nightclubs and sauna bath na front ng prostitusyon sa buong region 4a ay ginagatasan ng taong ito.

Ang kanyang koleksiyon ay abbot sa P30 million kada buwan.

Pagyayabang ni Codename Billy na kailangang umabot ng P26 million ang kanyang koleksiyon dahil para ito sa mataas na opisyal daw.

Kailangan ay may mai-remit siyang P6.4 million kada linggo o kabuuang P26M monthly at iyong sosobra ay para sa sarili na niyang bulsa.

Kapalit ng naturang tongpats siyempre ang malayang operasyon ng illegal gambling sa limang probinsiya.

Ang malalaking GL na kinokotongan nito ay sina Mang Ramon at Tose ng Laguna, JY ng Cavite; Cesar ng Batangas, Bolok ng Rizal at Eddie K ng Quezon.

Labas pa rito ang operasyon naman ng illegal na sabong online na ipinagbawal na ng Pangulong Marcos sa pamamagitan ng kanyang Executive Order No. 9.

Samantala, naniniwala naman tayong hinding-hindi ito papayagan ni Gen. Gaces.

Malaki ang tiwala natin sa opisyal na anumang oras mula ngayon ay ipapahanap nito si Codename Billy hindi lamang para ipahuli at ikulong, kundi para na rin malaman kung sinong opisyal ang iniyayabang nito na binibigyan niya ng P26M a month.

Nasisiguro kong hindi si Gen. Gaces, iyon!

Good luck po, Gen. Gaces, Sir!