Default Thumbnail

Chinese nat’l na sangkot sa estafa dinala na sa Cebu

August 27, 2022 Jonjon Reyes 589 views

MAYNILA – Nabuking na “expired” na ang lisensiya ng baril ng isang bodyguard ng Chinese national na inaresto sa kasong estafa kamakailan sa Binondo.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District (MPD) Special Mayor Reaction’s Team( SMaRT MPD), ito’y matapos nilang maberipika sa Firearms and Explosive Office sa Camp Crame sa Quezon City ang baril ni Raymond Galicia, 47-anyos, isa umanong Army Reservist, close in security ng target ng operasyon na si “Henry Tan”, negosyante at residente ng Binondo Warehouse Depot sa panulukan ng Barraca at Tolonero Streets sa Binondo.

Ang baril na 9MM kalibre ay “paso” o bigong napa-renew ng bodyguard ng Chinese national.

Dahil dito, dinala sa Manila Prosecutor’s Office at iniharap kay Senior Assistant City Prosecutor Maryjane T Farriela-Pagilagan ang ebidensiya at ang kaukulang kaso.

Samantala ang pangunahing suspek na Chinese national ay itinurn over na kay P/Lt. Col. Maria Theresa Macatangay, hepe ng Investigation and Detective Management Unit sa Police Region Office 7 (PRO7).

Nauna rito, iniutos ni Ibay Jr. kay P/Maj. Edward Samonte ang pag-aresto sa suspek na si Jinxin dahil sa kasong estafa.

Bandang 11:50 ng tanghali ng Agosto 17 ng namataan si Tan sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay.

Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Estela Alma A Sigco-Caruso ng Regional Trial Court Branch 12, Cebu City, na may petsang Enero 22, 2022 dahil sa kasong estafa.

Habang pinoposasan ang nasabing negosyanteng Tsino, nagtangka umanong pigilan ang operasyon ng bodyguard kaya siya hinuli rin at nabawi sa kanya ang baril na may expired na lisensiya.

AUTHOR PROFILE